Hindi tayo dapat magpa-apekto sa pamimintas ng ating kapuwa at magpatuloy lang sa magagandang bagay na ginagawa natin (Lucas 11:14-23).
MARAHIL ay narinig na ninyo ang katagang: "Damn if you do it and damn if you don't." Ito yung may ginawa kang mabuting bagay pero mayroon pa ring mamimintas sa'yo.
Kapag hindi ka naman kumilos, lalo ka pa ring pupulaan.
Sa Mabuting Balita (Lucas 11:14-23), mapapansin natin ang pagiging pintasero ng mga tauhan sa Ebanghelyo matapos pagalingin ni Hesus ang isang lalaking pipi na nilukuban ng demonyo.
Marami ang humanga sa ating Panginoon dahil sa kaniyang ginawa. Marahil ay batid nilang si Hesus lamang ang nakapagpagaling sa lalaki. Kaya ganoon na lamang ang kanilang paghanga kay Hesus.
Ang iba, may kasama pang pagpapahalaga ang paghanga sa Anak ng Diyos dahil sa magandang bagay na Kaniyang ginawa. Dapat lang naman na pahalagahan at pasalamatan ang mga taong may mabuting kalooban hindi ba?
Subalit may ilang tauhan din sa ating Pagbasa na sa halip na pahalagahan ang ginawa ni Hesus na palayain ang lalaking nilukuban ng demonyo, pinintasan at ininsulto pa nila ang ating Panginoon.
Inakusahan pa nila si Kristo na kaya lamang Niya nagawang mapalayas ang demonyo ay dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul--ang pinuno ng mga demonyo.
Subalit hindi nagpa-apekto ang ating Panginoon sa paninira at pambabatikos ng mga taong ito at hindi Siya pinanghinaan ng loob.
Ipinapakita lamang sa Ebaghelyo na mayroon talagang mga tao na matapos mong gawan ng mabuting bagay ay nakukuha pang pintasan ang iyong ginawa sa halip na magpakita man lang ng kahit kaunting pagpapahalaga.
Maaaring ang hindi magandang tugon ng mga ganitong tao ay dala ng kanilang sobrang inggit at selos. Kaya kahit nakita nila ang mabuting bagay na ginawa ng kanilang kapuwa ay nagbubulag-bulagan sila.
Itinuturo ng Ebanghelyo na dapat nating tularan ang ginawa ni Hesus. Kahit anong pintas, pambabatikos at paninira ang gawin sa Kaniya ay hindi tayo dapat magpa-apekto.
Ang mahalaga ay magpatuloy tayo sa mabuti at tamang ginagawa, makatanggap man tayo ng papuri o batikos.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, nNawa'y matularan namin ang Iyong ginawa na huwag magpadala sa puna at paninira ng aming kapuwa. Dahil ang mahalaga ay Ikaw ang aming nakakakita sa mga bagay na aming ginagawa at ito ay lubos Mong pinahahalagahan. AMEN.
--FRJ, GMA News