Matapos ang isang buwan at tatlong DNA test, nakauwi na sa kani-kaniyang tunay na pamilya ang dalawang sanggol na nagkapalit sa isang ospital sa lalawigan ng Rizal.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, inilabas na ang pinakahuling DNA test na isinagawa sa dalawang sanggol at kani-kanilang ina.
Matatandaan na unang isinalang sa DNA test si Aphril Sifiata at ang sanggol na kaniyang naiuwi na lumitaw na "negative," o hindi sila magkadugo.
Sumunod naman na ipina-DNA test si Margareth Mulleno at ang sanggol na kaniyang iniuwi at lumitaw din na negatibo ang resulta ng pagsusuri.
Unang naghinala si Aphril na hindi niya anak ang naibigay sa kaniya dahil sa "Mulleno" ang apelido na nakalagay sa tag ng sanggol.
Bukod dito, may kuha siya ng larawan ng sanggol nang kaniyang iluwal at napansin niya na iba na ang hitsura ng bata nang ibalik sa kaniya.
Pero ang pamilya Mulleno, hindi kaagad naghinala na hindi nila anak ang sanggol na kanilang naiuwi dahil sa naramdaman nilang "lukso ng dugo."
Subalit nang malaman nila ang problema at lumitaw na negative ang DNA test kina Aphril at sa sanggol na nasa pamilya Sifiata, pumayag na rin sila na magpa-DNA test upang malaman ang katotohanan.
Nang lumitaw na negative din ang resulta ng DNA nina Margareth at sanggol na kaniyang inaalagaan, muling sumalang sa ikatlong DNA ang mag-iina.
Kinunan ng sample si Margareth at ang sanggol na hawak ni Aphril; habang ang sample ni Aphril ay ima-match sa sanggol na hawak ni Margareth.
Habang hinihintay ng dalawang pamilya ang resulta ng DNA test, umasa sila na mag-match na sana ang dalawang pares ng mag-iina dahil sakaling mayroong isa o parehong hindi rin mag-match ang DNA, lilitaw na hindi lang dalawang sanggol ang baka nasangkot sa naturang kaso ng baby switching sa ospital.
Pero laking tuwa ng dalawang pamilya nang lumabas na "match" ang DNA ni Margareth sa sanggol na hawak ni Aphril; habang nag-match naman si Aphril sa sanggol na nasa pangangalaga ni Margareth.
Sa tulong ng isang abogado at mga kinatawan ng social welfare department, isinagawa sa KMJS ang pirmahan ng kasunduan ng dalawang pamilya na magpalitan na ng sanggol upang makapiling ng pamilya ang kani-kanilang tunay na anak.
Gayunman, desidido pa rin ang pamilya Mulleno at Sifiata na ituloy ang paghahabla sa ospital upang hindi na maulit sa iba ang nangyari sa kanila.
Bukod dito, kukunin naman ng dalawang pamilya ang host ng programa na si Jessica Soho bilang ninang ng dalawang bata. Panoorin ang nakaantig na episode sa video na ito.
--FRJ, GMA News