Natuklasan sa isang pag-aaral sa Australia kung papaano pa mapapakinabangan ang mga gamit nang face mask para hindi makadagdag sa tone-toneladang basura sa mundo.
Ayon sa ulat ng GMA News Feed, lumabas sa pag-aaral ng mga researcher sa RMIT University, na nailathala sa journal na Science of the Total Environment, na nasa 6.8 bilyong disposable face mask ang ginagamit sa buong mundo kada araw.
At lumabas sa kanilang pagsusuri na ang face mask ay puwedeng nakadadagdag ng tigas at tibay kapag inihalo sa processed building rubble o recycled concrete aggregate (RCA), na ginagamit sa paggawa ng base layer ng mga kalsada.
Pumasa rin sa civil engineering safety standards ang panibagong paghahalo.
Kung kaya naman, maaari nang gamitin ang nasa tatlong milyong face mask sa isang kilometrong linya na may dalawang kalsada para hindi na makadagdag pa ang mga ito sa 93 tonnes ng basura na napupunta sa mga landfill.
Lumabas din sa pag-aaral na epektibo ang pinaghalong face mask at RCA sa stress, acid at water resistance.
"This initial study looked at the feasibility of recycling single-use face masks into roads and we are thrilled to find it not only works, but also delivers real engineering benefits," sabi ni Dr. Mohammad Saberian, isa sa mga akda ng pag-aaral.
Inilahad naman ng ibang eksperto na kailangan pang suriing mabuti ang pag-aaral dahil maaaring makapagdulot ng problema sa kapaligiran ang mga kalsadang may halong face masks, tulad ng microplastic pollution.--Jamil Santos/FRJ, GMA News