Hindi kailanman natulog ang Diyos lalo na sa mga panahong tayo ay nahaharap sa malakas na unos ng buhay (Mk. 4:35-41).

ANG buhay natin sa ibabaw ng lupa ay isang paglalakbay. Gaya ng pagbibiyahe natin patungo sa isang partikular na lugar.

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 4:35-41) mababasa natin na naglakbay si Hesus lulan ng bangka kasama ang Kaniyang mga Alagad para tumawid sa ibayo.

Subalit habang sila ay naglalayag, sila ay inabot ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila ay hinampas ng malalaking alon at halos mapuno na ng tubig ang kanilang bangka.

Gustuhin man natin o hindi, darating at darating ang mga unos sa ating buhay na inilalarawan sa iba't-ibang uri ng problema na nararanasan natin.

Hindi naman sinabi ng Panginoong Diyos na ang sinomang magbalik-loob at manampalataya sa Kaniya ay hindi na makararanas ng mga pagsubok at problema sa kaniyang buhay.

Sapagkat ang tinitiyak lamang sa atin ng Diyos, ang sinomang magsisi sa kaniyang kasalanan at ipagkatiwala ang kaniyang buhay sa Panginoon ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at hinding-hindi Niya kailanman pababayaan.

Marahil kahit saang talata sa Bibliya ay wala tayong makikita na nasusulat na ang sinomang manampalataya sa Diyos ay hindi na kailanman magkakaroon ng problema at mga pagsubok sa kaniyang buhay.

Ngunit sinasabi ng Diyos sa Ikalawang Corinto na lalong nahahayag ang Kaniyang kapangyarihan kung tayo ay mahina; na ang ibig sabihin, kapag tayo ay dumaranas ng mga pagsubok at suliranin sa buhay. 

Lalong nahahayag ang kapangyarihan ng ating Panginoon dahil sa ganoong sitwasyon, lalo tayong kumakapit at nagtitiwala sa kapangyarihan ni Hesu-Kristo (2 Corinto 12:9).

Alalahanin lamang natin na maging ang Panginoong Hesus na anak ng Diyos ay hindi naging "exempted" sa mga pagsubok at problema ng buhay. 

Sapagkat noong Siya ay naririto pa sa ibabaw ng lupa, dumanas din Siya ng mga mabibigat na pagsubok at iniwan pa ng Kaniyang mga Disipulo.

Ang pinakamasakit ay noong itanggi Siya ni Pedro ng tatlong beses, ang alagad na pinagkakatiwalaan pa Niya, at ipagkanulo naman Siya ni Hudas Iscariote.

Kapag tayo ay nakararanas ng malakas na bagyo sa ating buhay gaya ng mga pagsubok at problema, hindi ba't mas kailangan pa nga nating higpitan ang ating kapit para huwag tayong makabitiw?

Subalit may ilan na sa halip na lalong kumapit sa Diyos kapag sila ay hinahagupit ng mga problema, ay doon naman nila niluluwagan ang kanilang hawak sa kanilang pananampalataya, at lalong lumalaki pa ang kanilang problema.

Sa isang awitin, may magandang tanong na: "kung natutulog ba ang Diyos?" Sa ating Ebanghelyo, nakasaad na hindi natutulog si Hesus gaya nang nangyari sa kanila habang ang bangka nila ay hinahampas ng malalaking alon.


Nasa hulihan Siya ng bangka at sinabi Niya sa Kaniyang mga Disipulo na: "Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?"

Hindi kailanman natulog ang Diyos. At kahit minsan sa ating buhay ay hindi Niya tinulugan ang mga lumalapit sa Kaniya para humingi ng Kaniyang awa, pagpapatawad at tulong.

MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Kapag dumarating ang mga pagsubok sa aming buhay. Nawa'y lalo mo pang palakasin ang aming pananalig sayo para kami ay maging matatag sa harap ng mga malalakas na unos sa aming buhay. AMEN.

--FRJ, GMA News