Nakaaantig ng damdamin ang naging huling pagpapaalam ng mga magulang sa kanilang bunsong anak na isang-taong-gulang sa California, USA.

Sa GMA News Feed, sinabing nagpasya ang mga magulang ng batang si Laopauld o Lexus Sanchez, na hayaan nang magpahinga ang kanilang anak at i-donate ang kaniyang organ sa dalawang sanggol at isang adult upang natiling buhay ang kaniyang alaala.

Idineklara ng mga duktor na brain-dead na si Lexus matapos na hindi bumuti ang kalagayan nito makaraang operahan dahil sa pinsalang tinamo sa nangyaring car accident noong nakaraang Nobyembre.

Sa naturang aksidente na kinasangkutan ng pamilya Sanchez, si Lexus ang nagtamo ng pinakamalubhang pinsala. Mayroon tatlong iba pa ang nasawi.

Na-dislocate ang bungo ni Lexus sa kaniyang spine kaya sumailalim siya operasyon.

Ilang araw lang na nagkaroon ng pagbuti sa kalagayan ng bata pero kinalaunan ay muling lumubha hanggang sa ideklara nang brain-dead si Lexus.

Nitong Enero 18, isang mabigat na pasya ang ginawa ng pamilya Sanchez na i-donate na ang organ ng kanilang anak.

Isang mahigpit na yakap at halik ang ibinigay kay Lexus ng kaniyang tumatangis na ina.

Ang ama niya na miyembro ng Navy, sinaluduhan ang anak na tinawag niyang bayani.

"You did a good job, son. I'm proud of you," umiiyak na pagpapaalam ng ama.

Bago tuluyang dalhin ng mga hospital staff si Lexus, pinabaunan siya ng matinding palakpak ng kaniyang nagmamahal at nagdadalamhating mga kaanak.--FRJ, GMA News