Matinding pananakit ng ulo at tainga at hindi maigalaw at bagsak ang kalahati ng mukha. Ilan lamang ito sa mga palatandaan ng Bell's Palsy. Puwede nga bang tamaan nito maging ang mga kabataan at paano ito nakukuha at magagamot?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Adolfo Solis, President ng Child Neurology Scoeity of the Philippines, na iba ang Bell's Palsy kumpara sa stroke na nakararanas ang tao ng central facial palsy o sa ibabang bahagi lamang ng mukha.
Sa Bell's Palsy, mula itaas hanggang ibaba ng kalahati ng mukha ang hindi naigagalaw ng tao.
Isa ang cashier na si Glaiza Ganias sa nakaranas ng Bell's Palsy noong nakaraang taon. Dahil sa uri ng trabaho, marami siyang nakasasalamuhang tao at maraming bagay na hinahawakan.
"Pag-uwi namin dito sa bahay nakita ng sister ko at mother ko na iba na ang hitsura ko kasi nga parang tabingi na 'yung mukha ko. Siyempre, nag-panic ako," ayon kay Glaiza na hirap ding magsalita at kumain.
Itinuloy-tuloy ni Glaiza ang pag-inom ng niresetang gamot ng kaniyang doktor hanggang mawala ang kaniyang pagkangiwi.
Pero matapos nito, ang 12-anyos na anak naman niyang si Riley ang nakaranas ng Bell's Palsy.
Nag-o-online class si Riley kaya maaaring nakuha niya ang kondisyon dahil sa pagod.
Hinala ni Glaiza, ang Bell's Palsy ay dulot din ng paghihilamos nila ng mukha pagkatapos tumutok sa computer o cellphone. Isa pa niyang hinala, nahawa si Riley sa kaniyang kondisyon.
Tama nga ba ang hinala ni Glaiza na dahilan ng kanilag Bell's Palsy? Ano ang mga paraan upang magamit ito? Tunghayan ang video na ito ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA News