Kahit paulit-ulit tayong nagkakamali at lumalabag sa mga utos ng Panginoong Diyos ay paulit-ulit din niya tayong pinatatawad. Iyan ay dahil sa hindi padalos-dalos sa paghahatol ang Diyos sa mga makasalanan.
Sa Mabuting Balita (Marcos 2:23-28), madaling hinusgahan ng mga Pariseo ang mga Alagad ni Hesus nang mapadaan sila sa triguhan sa araw ng pamamahinga o Sabbath.
Sinita ng mga Pariseo ang mga Alagad ni Kristo at sinabing ang ginagawa nilang pamimitas ng uhay ay mahigpit na ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga.
Subalit sa halip na alamin nila ang kalagayan ng mga Disipulo kung bakit nila nagagawa ang gayong bagay ay mistulang hinusgahan agad sila ng mga Pariseo. Hindi sila magkaroon ng kahit kaunting konsiderasyon man lamang.
Kaya naman sa ating Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus ang kuwento tungkol kina David nang sila'y magutom at walang makain. Pinasok nina David ang isang bahay at kinain ang tinapay na "handog para sa Diyos."
Nilabag nina David ang isang kautusan dahil ang tinapay na kinain nila ay para sa pari lamang bilang "handog sa Diyos." Pero hindi pinarusahan si David at ang mga kasamahan niya dahil sa paglabag nila sa kautusan. Sapagkat hindi kamay na bakal ang pinatupad at ipinairal sa kanila kundi ang habag, pang-unawa at konsiderasyon.
Pinatunayan lamang sa ating Pagbasa na bagama't isang makapangyarihang Diyos ang ating Manlilikha, hindi Niya naman basta-basta pinaiiral ang kamay na bakal o pagpapataw ng mahigpit na kaparusahan laban sa mga lumalabag sa Kaniyang mga utos.
Dahil sa pananaw ng Diyos, ang pinakamahalaga kumpara sa lahat ng kautusan ay habag para sa mga tao at pagkakaloob ng malawak na pang-unawa sa kanilang kalagayan.
May hihigit pa ba sa batas ng Diyos na puso at awa ang nangingibabaw kumpara sa batas ng tao na kamay na bakal ang umiiral?
Maaatim kayang parusahan ng Diyos ang mga Alagad ni Hesus na lumabag sa Kautusan ng Sabbath matapos pumipitas ng uhay; na nagawa lang nila dahil sa gutom? Ganoon din sina David, dapat rin ba silang parusahan dahil kinain nila ang haing tinapay para sa Diyos dahil wala rin silang makain?
Hindi ganoon kalupit ang ating Panginoon na madaling humatol sa mga lumalabag sa Kaniyang kautusan. Hindi katulad nang ipinakita ng mga Pariseo. Sapagkat ang unang umiiral sa Diyos ay ang batas ng puso sa pamamagitan ng Kaniyang nag-uumapaw na pag-ibig.
Ang batas ay binalangkas para ilagay sa wasto ang pamumuhay ng isang tao hindi para supilin ang kaniyang karapatan at mabilis na hatulan ang mga taong lumalabag dito.
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na kagaya ni Hesus, nawa'y magkaroon din tayo ng konsiderasyon at pang-unawa sa ating kapwa. Walang taong perpekto na hindi maaaring magkamali. Kaya mahalaga na unawain din natin ang kanilang kalagayan bago natin sila husgahan.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus. Katulad Mo, nawa'y magkaroon din kami ng konsiderasyon at pang-unawa sa aming kapwa. Nawa'y tulungan Mo kaming huwag maging padalos-dalos sa aming panghuhusga at paghatol laban sa aming kapwa gaya ng ipinakita ng mga Pariseo sa Ebanghelyo. AMEN.
--FRJ, GMA News