Dahil sa pangingitim ang tuhod, siko o kilikili, may ilang tao na naghahanap ng iba't ibang paraan para pumuti ang kanilang balat. Sa programang "Pinoy MD," inihayag ng isang dermatologist ang ilang sa posibleng dahilan nito.

Ayon sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, isa sa mga dahilan kung bakit umiitim ang kilikili ay ang friction o pagkiskis sa balat.

Posibleng dulot ito ng labis na pag-aahit o pagsusuot ng mga masisikip na damit.

Kaya inerekomenda ni Dr. Marquez na mag-ahit o mag-wax ng isang bases lamang kada tatlong linggo (at samahan ito ng mga pag-ahit na gel o foam.)

Isa pang sanhi ng hyperfigmentation ang mga produktong nilalagay dito, kaya suriin ang mga ipinapahid na deodorant at anti-perspirants, at iwasan ang mga produktong may aluminum o aluminum chloride.

"They actually clog the pores and then... they can cause micro-inflammation around the pores, around the hair follicles" ayon kay Dr. Marquez.

Iwasan din ang mga produktong may matatapang na amoy at may alcohol, tulad ng mga fragrances na nakikita sa mga deodorant, lalo na kung ikaw ay may sensitibong balat at may history ng asthma.

Mga tuhod at siko

Taliwas sa paniniwala ng ilan, hindi dapat mariin na hinihilod ang mga siko at tuhod.

Ayon kay Dr. Enqriquez, naaalis ang oil kapag kinukuskos ang balat, na nagreresulta ng panunuyo at pangangapal nito at kalauna'y pangingitim.

Nakapagpapaitim din daw ang mga matatapang na sabon na nagdudulot ng panunuyo at pagkatuklap ng balat.

Mga medikal na kondisyon

Gayunman, sinabi rin ni Dr. Marquez na posibleng may medikal na kondisyon ang isang tao kung bakit nangingitim ang ilang parte ng kaniyang katawan.

Maaaring dahil ito sa acanthosis nigricans na sintomas ng diabetes, Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS) o hormonal imbalance na dulot ng contraceptive pills.

Tunghayan sa Pinoy MD ang ilang ginagawa ng mga Pinoy para mapaputi ang kanilang siko at tuhod, tulad ng pagpahid ng kamatis o alchohol, at kung epektibo nga ba ito.--FRJ, GMA News