Manatili tayong tapat sa Diyos tulad ng Profetesa na si Ana (Lk. 2:36-40).
Ang isang taong matapat ay asahan mong hinding-hindi ka iiwanan. Dumating man ang mga mabibigat na pagsubok ay mananatili siyang tapat sa harap ng mga mabibigat at masalimuot na sitwasyon.
Sa ating Mabuting Balita ngayon (Lucas 2:36-40) ipinakita ng Profetesa na si Ana, ang anak ni Fanuel, ang kaniyang katapatan sa Diyos.
Sapagkat sa kabila ng kaniyang katandaan at pagiging isang balo, nanatili siyang tapat sa paglilingkod sa Panginoon at patuloy niyang ginampanan ang kaniyang obligasyon at tungkulin sa Diyos.
Hindi umalis si Ana sa Templo at patuloy na naglingkod sa Diyos araw at gabi sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin.
Ibinigay ni Ana sa Panginoon, hindi lamang ang kaniyang katapatan sa paglilingkod kundi maging ang kaniyang oras at panahon.
Hindi naman kailangan ibigay din natin sa Panginoon ang ating buong oras at panahon gaya ni Ana. Ang hinihingi lamang sa atin ng Diyos ay maglaan tayo ng oras at panahon para sa Kaniya na minsan ay nakakaligtaan na nating gawin dahil sa pagiging abala natin sa maraming bagay.
Minsan, ang simpleng pananalangin para magpasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay hindi natin nagagawa kahit man lang umusal tayo ng maikling dasal.
Sapagkat mas maraming oras ang ating ginugugol sa ating cellphone at gadgets sa halip na maalala natin ang lahat ng mga biyaya at pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.
Ang kuwento ng Mabuting Balita tungkol sa Profetesang si Ana ay isang paalala ng pagiging tapat natin sa Diyos sapagkat Siya, bilang ating Panginoon ay hindi nagkukulang sa Kaniyang mga pagpapala para sa atin.
May mga pangyayari sa ating buhay na sinusubok ng pagkakataon ang ating katapatan at pananampalataya sa Panginoong Diyos.
Subalit alalahanin din natin ang mga pagkakataon na iniahon tayo ng Diyos mula sa mga problemang kinasadlakan natin. May pangyayari na ba sa ating buhay na hindi dininig ng Panginoong Diyos ang ating mga panalangin?
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na sa harap ng mga pagsubok at malalakas na unos sa buhay dulot ng mga problema ay manatili lamang tayong matapat at maglaan ng panahon sa ating Panginoon tulad ni Ana.
Matutunghayan din natin sa Bibliya ang mga kuwento nina Abraham, Job at nang mag-asawang Elisabet at Zacarias (mga magulang ni Juan Bautista) na nanatiling tapat sa paglilingkod sa Panginoon sa kabila ng kanilang katandaan.
Kaya naman sinuklian ng Panginoong Diyos ang kanilang katapatan at masidhing pananalig nang magsilang ang asawa ni Abraham (Sarrah) na isang batang lalaki na pinangalanang Isaac at gayon din sina Elisabet at Zacarias.
Samantalang sa kuwento naman ni Job, nababasa natin na sa kabila ng mga masasamang pangyayari sa kaniyang buhay nanatili din siyang tapat sa kaniyang pananampalataya sa Panginoon.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, tulad ng Profetesang si Ana, nawa'y manatili din kaming tapat sa Iyo, hindi lamang sa aming paglilingkod sa pamamagitan ng aming kapwa kundi sa pamamagitan ng aming patuloy na pananalangin at pananampalataya. AMEN.
--FRJ, GMA News