Tinawag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na aksaya ng panahon ang pagtalakay sa hakbangin na amyendahan ang Saligang Batas sa panahon ng COVID-19 pandemic. Pero pagtiyak naman ng isang lider sa Kamara de Representantes, hindi layon ng cha-cha ang palawigin ang termino ng mga pulitiko.
“It will be a total waste of time. It won’t fly. Our history tells us that Cha-cha has a zero chance of success in any administration that is already in the home stretch,” sabi ni Drilon sa isang pahayag.
“It is a sin to be even talking about changing the Constitution when there is still no end in sight to the pandemic, when the government is struggling to secure funding for Covid-19 vaccines, and when the country is still reeling from the continuing impact of the pandemic and the recent typhoons,” patuloy niya.
Pangako ni Drilon, haharangin ng minorya sa Senado ang naturang hakbang ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon.
Napag-alaman na naghain ng resolusyon sina Senador Bato Dela Rosa at Francis Tolentino, upang hilingan ang dalawang kapulungan ng Kongreso (Senado at Kamara) na magpulong bilang constituent assembly upang amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa halip na cha-cha, sinabi ng mga mambabatas na tutol sa pag-amyanda ng saligang batas, na dapat pagtuunan ng pansin ang mga hakbangin sa paghahanap ng trabaho para sa mga tao at iba pang programa na may kaugnayan sa pagtugon sa krisis na dulot ng pandemya.
Pero paliwanag ng mga sumusuporta sa cha-cha, nakatuon ang pag-amenyanda sa mga probisyon sa Saligang Batas at mga batas tungkol sa ekominiya.
Kabilang umano sa dapat repasuhin ang 83 taong gulang na Public Service Law at ang Retail Trade Liberalization Act of 2000.
Ayon kay Ako Bicol party-list Representative Alfredo Garbin Jr., chairman ng House committee on constitutional amendments, sisimulan nila sa susunod na linggo ang pagdinig.
Aniya, hindi nila gagalawin ang mga political provision sa Konstitusyon tulad ng pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal.
"Iwasan natin 'yung mga pagdududa na this is all about term extension," pakiusap niya.
Inihayag din ng kongresista na iniutos umano ni Speaker Lord Allan Velasco na suriin ang mungkahing amyendahan ang "restrictive" economic provisions.
"The Speaker's proposal is to make [them] flexible so that it would be responsive to the needs of time," pahayag ni Garbin.
"This is one way of addressing the effects of the pandemic by opening up the entry of foreign direct investment, foreign capital dahil bagsak na bagsak ang ating ekonomiya and we are lagging behind pagdating sa mga FDIs (foreign direct investments) and inflows of foreign capital," patuloy niya.
Ayon pa sa mambabatas, 33 taon na ang Saligang Batas ay hindi inasahan na mangyayari ang ganitong sitwasyon sa bansa.
"Hindi naman natin na-foresee na aabot tayo sa ganito na kailangan natin i-open up 'yung ating ekonomiya so we can invite the flow of foreign direct investment," giit niya.--FRJ, GMA News