Magpakumbaba at aminin ang pagkakamali (Salmo 50).

"Kaawaan mo ako, O Diyos, ayon sa Iyong kabutihan: Ayon sa laki ng Iyong habag ay pawiin Mo ang aking kabuktutan.

Pakahugasan Mo ako sa aking sala at linisin sa aking kasalanan. Sapagkat kinikilala ko ang aking kabuktutan, at laging nagugunita ang aking kasalanan."

Ang taong marunong magpakumbaba ay umaamin sa kaniyang mga nagawang pagkakasala.  Hindi niya ito ikinakaila at lalong hindi niya ibubunton ang sisi sa iba.

Hindi rin niya dedepensahan ang kaniyang sarili para lamang bigyang katuwiran ang kaniyang pagkakamali at makaligtas sa kaparusahan.

Ganito ang aral at mensahe na maaari nating mapulot sa Aklat ng Salmo 50 (50:1-19) tungkol sa kababaang-loob na pagsisisi ni Haring David at nagsumamo sa kapatawaran ng Panginoong Diyos.

Bilang isang pinuno, may mga nagawang pagkakamali si Haring David bagama't siya ang pinili ng Diyos na mamuno sa kaniyang bayang Israel.

Sa kuwentong ito, ipinapakita lamang ang kahinaan ng tao sa harap ng mga pagsubok sa buhay.

Madaling naaakit ang tao sa tukso at pagkakasala dahil mas nangingibabaw sa kaniya ang pansariling interes sa halip na isaalang-alang ang interes ng Diyos na siyang lumikha sa atin.

Subalit sa kabila nito, gaya ni Haring David, sa Panginoong Diyos pa rin tayo dudulog sa oras  na tayo ay madapa o makagawa ng pagkakamali sa buhay.

Sa Diyos pa rin tayo lalapit upang hingin ang Kaniyang pang-unawa at kapatawaran.

Inaamin ni Haring David ang lahat ng kaniyang pagkakasala. Inaako niya ang lahat ng kaniyang mga pagkakamali.

Matatawag bang dakila ang isang taong mapagmalaki? Taong hindi marunong umamin sa kaniyang kasalanan at sa halip ay ipinapasa sa iba ang nagawa niyang pagkakamali?

Siya ang nagkasala pero iba ang naparusahan, at  ibang tao ang nagdurusa sa ginawa niyang pagkakasala. Matatawag ba nating dakila ang ganiyang klase ng tao?

Sa ating Pagbasa, bagama't isang Hari si David ay hindi niya ginamit ang kaniyang impluwensiya para mapagtakpan ang kaniyang mga pagkakasala.

Hindi niya kinasangkapan ang kaniyang puwesto at pagiging hari para ipaako sa iba ang kaniyang mga kasalanan.

Masasabi nating dakila si Haring David sapagkat inaamin niya ang kaniyang mga kasalanan at nakahanda siyang tanggapin ang parusang maaaring igawad sa kaniya ng Diyos.

Kung tutuusin, wala naman talagang puwedeng ilihim sa Panginoon dahil batid Niya ang lahat ng ating ginagawa. Walang saysay ang pagsisinungaling at pagmamalaki dahil higit na mabigat na kaparusahan ang maaari nating makamit kung isisisi pa sa iba ang nagawa natin pagkakamali. 

Hindi kinalulugdan ng Diyos ang mga hain o mga alay na ibinibigay natin. Sa halip, ang hinahangad ng Diyos mula sa atin ay isang kaluluwang nagsisisi, ang pusong nagsisisi at nagpapakumbaba.

Nawa'y matuto tayo sa kuwento ni Haring David at matutunan din natin ang maging totoo sa sarili at mapagkumbaba gaya niya sa kabila ng kaniyang mataas na posisyon. AMEN.

--FRJ, GMA News