Bukod sa libreng konsultasyon, maraming tao rin natutulungan Doc Willie Ong sa pamamagitan ng kaniyang vlog kung saan nagbibigay siya ng kaalaman at tips tungkol sa pag-iwas sa mga sakit. Pero kuwento ng itinuturing "duktor ng bayan," tutol ang mga magulang niya na maging duktor siya.
Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Doc Willie Ong kung paano nagsimula ang pangarap niya na maging isang doktor at misyon na makatulong sa marami.
"Actually matagal na akong walang private patients. Hindi ito alam ng karamihan, pero since mga 14 years ago, mga 2007, hindi na kami nagtsa-charge ng professional fee sa mga pasyente," sabi ni Doc Willie.
Noon pa man, sinabi ni Doc Willie na nakatanim na sa isip niya ang kagustuhang tumulong sa mga tao.
"Nu'ng 17 years old ako meron kaming time capsule sa high school. Ako sabi ko lang, gusto ko lang tumulong sa libo-libong tao. Tapos nu'ng sinabi ng teacher na 'Pass your paper,' kinuha ko 'yung papel ko, nilagyan ko ng pataas na arrow, sabi ko 'Millions.'"
Gayunman, tutol daw noon ang kaniyang mga magulang na magduktor siya dahil mas nilang asikasuhin niya ang kanilang negosyo.
"Kasi walang doktor sa family namin eh. Wala rito sa field na ito eh... 'Yung emotionally kasi nag-away kami ng parents ko, so hindi na kami nag-usap," kuwento ng doktor.
Sa kabila ng pagtutol ng mga magulang, nakapagtapos si Doc Willie ng cardiology, public health at internal medicine.
Panoorin ang buong panayam sa kaniya sa video. --FRJ, GMA News