May mga natawa, may mga nainis at may mga nabahala sa pakulo ngayong kapaskuhan ng Cebu City Police na kunwaring aarestuhin nila ang isang tao sa bisa ang arrest warrant pero ang totoo ay bibigyan nila ng regalo.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa video ang apat na kawani ng isang mall na kunwaring inaresto ng mga armadong pulis sa harap ng maraming tao at pinosasan pa.

Pero nang dadalhin na sila sa police patrol, doon na bumungad ang sorpresa sa kanila na kantang pagbati at may kasama pang regalo.

Tinawag na "arestoaguinaldo" ang naturang pakulo na pinangunahan pa mismo ni Cebu City Police chief Police Colonel Josefino Ligan.

Ang isa sa mga nabiktima ng pakulo, aminadong kinabahan siya at natakot pero napalitan naman daw ng saya nang malaman ang tunay na pakay ng mga pulis.

Pero may mga pumuna sa naturang pakulo, kabilang na ang Commission on Human Rights (CHR).

Ayon sa CHR, ang pagsisilbi ng "arrest warrant" ay isang proseso ng pagpapatupad ng batas na dapat isinasagawa nang naayon sa "due process" at "rule of law.”

“Such process should not be trifled with nor diminished into a prank for such prank may also cause distress and humiliation to target individuals. Such prank may also heighten the worry of individuals who may have developed mistrust toward law enforcers,” saad sa pahayag ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia.

Ang dating hepe ng kapulisan at senador na ngayon na si  Ronald "Bato" dela Rosa, sinabing maaaring maganda ang pakay ng Cebu City police pero kuwestiyunable naman ang pamamaraan.

Ayon naman sa kasalukuyang Philippine National Police (PNP) chief na si Police General Debold Sinas, dapat itigil ang anumang pakulo ng mga pulis na magdudulot ng pangamba sa publiko.

Hindi rin umano bahagi ng direktiba ng pamunuan ng kapulisan ang naturang mga gimik.

Paliwanag naman ni Ligan, wala silang masamang intensiyon sa kanilang pakulo na “arestoaguinaldo,” na one-time project lang umano.

“Just to have an element of surprise. With the purest intention to give other people a joyful and delightful Christmas. ‘Yon po talaga ang nasa isip namin. It’s not about na ‘yong takutin ‘yong tao,” ayon sa opisyal.

Sakabila nito, pagpapaliwanagin pa rin umano ng pamunuan ng PNP ang Cebu City police dahil sa naturang "arestoaguinaldo." --FRJ, GMA News