Sa hindi maiwasang pagkakataon, nauuwi sa hiwalayan ang ilang mag-asawa at pinagkakasunduan na lang ang tungkol sa pagsustento ng mga anak.  Pero ano ang parusa sa magulang kapag hindi niya nasustentuhan ang anak?

Sa Kapuso sa Batas ng GMA News Unang Hirit, binanggit ni Atty. Gaby Concepcion ang Article 194 ng Family Code of the Philippines na nakasaad na: "Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family."

Kaya kapag hihingi umano ng suporta ang isang magulang na may kustodiya sa anak o mga anak, kailangan niyang gumawa ng listahan ng mga gastos para mga bata sa isang buwan. Kabilang dito ang pagkain, tuition fee, allowance, at iba pang pangangailangan ng mga bata.

Ayon kay Atty. Gaby, dapat itong isipin nang husto ng magulang na may kustodiya sa mga anak para malaman ang halaga na hihingiin sa kabilang partido.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong batas na tahasang nagbibigay ng parusa sa magulang na walang kustodiya sa mga anak na hindi nagbibigay o hindi sumusunod sa napagkasunduang suporta para sa mga bata.

Kaya naman pansamantala umanong ginagamit ang Anti-Violence Against Women and Children Act o Republic Act 9262, para makasuhan ang magulang na hindi susunod sa kasunduan sa sustento.

Dagdag ni Atty. Concepcion na maliban sa pinansyal na suporta, responsibilidad din ng magulang na palakihin ang mga anak na may pagmamahal at para maging mabubuting mamamayan at tao.

Panoorin ang buong talakayan at alamin din kung maaaring mapagbigyan ang magulang na hindi magbigay muna ng sustento kung nawalan o naapektuhan ang trabaho dahil sa hindi inaasahang pangyayari tulad ng pandemic--FRJ, GMA News