Ang anomang bagay na ating hiniram ay kailangang ibalik sa nagpahiram... tulad ng ating buhay (Lk. 12:39-48).
May nabalitaan na ba kayo na magnanakaw na nagpaalam o nagbigay ng abiso sa kaniyang lolooban na siya ay sasalakay sa ganitong oras at araw?
Wala pa, hindi ba? Dahil hindi mo alam kung kailan at anong oras darating ang isang magnanakaw. Ganoon din ang kamatayan.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Luke 12:39-48) nang ipangaral ni Jesus na, "Kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras dadating ang magnanakaw ay hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang bahay."
Tinutukoy dito ni Jesus na ang katapusan ng isang tao o ang kamatayan ay walang katiyakan o walang nakababatid kung kailan mangyayari. Kaya kailangan nating maghanda sa pamamagitan ng pamumuhay na nasa landas na matuwid at tama.
Ang pangunahing obligasyon natin dito sa ibabaw ng mundo ay ang gumawa ng kabutihan bilang mga Kristiyano at anak ng Diyos.
Gayunman, mayroon tayong dalawang paraan ng pamumuhay at pagpipilian kung paano natin gugugulin ang ating buhay dito sa ibabaw ng lupa: Ang gumawa ng kabutihan o ang gumawa ng kasamaan.
Nasa sa atin na kung alin sa dalawa ang ating pipiliin. Binibigyan tayo ng laya ng Diyos na mamili sa dalawang klase ng pamumuhay na nais natin. Tayo na ang bahalang magdesisyon.
Basta't ang lagi lamang nating tatandaan: Ang buhay ng tao ay hiniram lamang natin sa Diyos. At ang anomang bagay na hiniram ay kailangang ibalik sa nagpahiram.
Gustuhin man natin o hindi, hindi forever ang buhay ng tao. Maayos na ibinigay ng Panginoon ang ating buhay, kaya nararapat lang na maayos din nating ibabalik sa Kaniya.
Ito ay sa pamamagitan ng pamumuhay na naaayon sa kalooban ng ating Panginoon at isang buhay na kaaya-aya sa Kaniyang paningin.
Mababasa din natin sa Ebanghelyo na sinabi ni Jesus na mapalad ang mga aliping naabutan ng kanilang amo na gising at nagbabantay sa kaniyang pagdating para pagbuksan siya ng pinto.
Mapalad nga talaga ang mga taong walang sinayang na pagkakataon habang sila ay nasa ibabaw ng lupa; mga taong sinikap mamuhay nang tama. Sila ang mga taong naratnan ng kanilang amo na gising at naghihintay sa kaniyang pagdating.
Dahil gising, mulat sila sa katotohanan na ang buhay ay hiniram lamang sa Diyos at anomang oras ay maaaring bawiin. Kaya mas mainam na maabutan tayo na ginagawa natin ang ating mga obligasyon at tungkulin bilang mga Kristiyano at anak ng ating Amang nasa Langit.
Subalit kahabag-habag naman para sa mga taong nagpabaya at naging kampante sa kanilang buhay. Tulad sila ng mga taong nasa kuwento na hindi ginawa ang kanilang obligasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang taliwas at labag sa mga ipinag-uutos ng Panginoon.
Marahil ay naniniwala sila sa baluktot na katuwiran na, "matagal mamatay ang masamang damo." Yun nga lang ang problema, kapag binawi na ng Panginoon ang kanilang buhay, hindi na nila magagawang magsisi sa kanilang nagawang mga kasalanan.
Lilisanin nila ang mundo na hindi man lamang sila nakapaghanda. Magiging kaawa-awa ang kanilang kaluluwa na magiging pagala-gala.
Katulad ng nangyari sa mga tauhan sa ating Ebanghelyo na naabutan ng kanilang amo na gumagawa ng mga maling bagay nang magbalik. Kaya naman sila ay buong higpit na pinarusahan.
Kaya ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na sikapin nating mamuhay sa tuwid na landas gaano man kahirap sa lahat ng sandali. Sapagkat ito ang magsisilbi nating "beep card" sa biyahe patungo sa kaharian ng Diyos sa sandaling lisanin na natin ang mundo.
AMEN.
--FRJ, GMA News