Nakababahala para sa ilang tao ang pagkakaroon nila ng maitim na leeg, kili-kili o siko, lalo na ang mga may katabaan. Ano nga ba ang sanhi nito at posible nga ba itong indikasyon ng ibang sakit?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Roland Balburias na "Acanthosis nigricans" ang tawag sa pangingitim ng leeg, kili-kili o siko.
Senyales ito na mayroong insulin resistance ang isang tao, na unang manipestasyon bago magkaroon ng diabetes.
Ayon kay Balburias, dekada pa ang aabutin ng tao na may insulin resistance bago siya magkaroon ng "full-blown" na diabetes.
Kaya naman ipinayo niya ang mga merong Acanthosis nigricans na alamin kung bakit sila may insulin resistance para maayos ito. Panoorin ang talakayan sa video sa itaas. --Jamil Santos/FRJ, GMA News