Hindi maiwasan kung minsan ang pagpapatunog ng buto sa kamay, leeg at iba pang bahagi ng katawan kahit kapag nagpapamasahe. Ngunit may masama nga ba itong epekto?
Sa isang episode ng programang "Pinoy MD," sinabi ni Dr. Roland Balburias na "crepitus" ang tawag sa tunog na nililikha sa tuwing nagpapatunog ng mga buto, at normal lang daw ito.
Indikasyon daw ito na maaaring kulang sa sinodial fluid ang isang tao na naglu-lubricate sa joints ng buto kaya nagkakaroon ng "popping sound."
Gayunman, nagbabala si Dr. Balburias na delikado ang magpalagutok ng buto sa ibang parte ng katawan kung hindi alam ng isang tao ang antas ng integridad ng alignment ng kaniyang mga buto, lalo na sa batok.
"Not unless walang problema, pero kung mayroon, delikado na basta niyong minamanipula," anang doktor.
Kaya payo niya, magpatingin sa mga chiropractor. Panoorin ang talakayan sa video sa itaas. --FRJ, GMA News