Sa pamamagitan ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" at mga taong nagmagandang loob, nailigtas at nagkaroon ng bagong pag-asa ang isang 18-anyos na binatang mistulang buhay pa pero unti-unti nang naagnas sa kaniyang higaan dahil sa kaniyang mga sugat.
Nitong nakaraang Marso nang itampok sa programa ang kalunos-lunos na kalagayan ni Junmark na ilang taon nang nakahiga lang sa kaniyang papag na malapit lang sa kulungan ng mga baboy.
"Parang hayop na rin ako, pinapakain na lang," malungkot na sabi ni Junmark. "Hindi nakakapagtrabaho. Buti pa ang baboy nakakalakad sa kulungan, ang mga paa niya kayang magalaw. Ako, parang 'yung hindi na makatayo."
Sabi pa niya, "Gusto ko po ay mabuhay nang matagal. Panalangin ko, sana po may himala na dumating. Paggising ko, wala na 'tong mga sugat ko. Hinihiling ko lang po sa Diyos na pagalingin Niya na ako dahil marami pa akong kailangan pang gawin sa mundo."
Dahil sa kaniyang mga sugat sa binti at iba pang bahagi ng katawan, naging pahirapan ang pag-alis sa kaniya sa papag dahil dumakit na sa higaan ang kaniyang balat.
Dinala sa ospital si Junmark at ginamot.
Gayunman, hindi na naisalba pa ang kaniyang mga binti na kinailangan nang putulin.
At pagkaraan ng halos walong buwan na gamutan, tuluyan nang nakalaya si Junmark sa kaniyang kalbaryo at muling naibalik ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Bukod sa gumaling, nakapagpatayo na rin sila ng maayos na tirahan mula sa mga taong may magagandang kalooban.
"Marami na pong nagbago sa akin po. May nagbago na rin po sa kamay ko, nagagalaw ko na po. Ngayon po nakakaupo na po ako," masayang sabi ng binata.
"Malaya na po ako dun sa parang kulungan na sa bahay, malaya na nakakalabas at nakikita ko ang araw at yung mga ibon na lumilipad," patuloy niya.
Nawalan man ng mga binti si Junmark, hindi naman ang kaniyang pangarap.
Tunghayan ang nakaaantig na kuwento ni Junmark na kapulutan sana ng inspirasyon ng mga taong nahaharap sa malaking pagsubok sa buhay, at magbigay din sana ng inspirasyon sa mga taong nais tumulong sa kanilang kapwa. Panoorin ang video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News