Ang puso natin ang tinitingnan ng Panginoong Diyos at hindi ang ating panlabas na anyo (Lk. 11:37-41).

Ang sabi ng ilan, ang mga taong mapagpakunwari ay maihahalintulad sa de-latang pagkain na matagal nang expired o napanis; Na kahit maganda pa rin ang hitsura sa labas, pero kapag binuksan mo ay aalingasaw ang mabahong amoy at baka may mga uod pa dahil bulok na.

Ganito ang ating Mababasa sa Mabuting Balita (Luke 11:37-41) tungkol sa pagbabalatkayo o mapagkunwari ng mga Pariseo. Isang ugali na kasuklam-suklam sa mata ng Panginoong Diyos.

Nalantad ang pagiging magpagkunwari ng Pharisees matapos  anyayahan ng isa sa kanila si Jesus para kumain sa bahay nito.

Laking gulat niya nang makitang hindi muna naghugas ng kamay si Kristo bago kumain na para bang nandiri.

Kaya naman tahasang sinabi ni Jesus sa Pharisees na, "Kayong mga Pariseo, nililinis niyo ang labas ng tasa at plato. Pero punong-puno naman ng kasakiman at kasamaan ang loob niyo."

May mga tao ang malimit nag-aasal na gaya ng mga Pariseo. Ito ang mga taong nagpapakita ng maganda sa labas subalit ang panloob o ang nilalalman ng kanilang puso ay kasamaan at kabulukan.

May kasabihan na, "walang lihim na hindi nabubunyag" sapagkat ang pagkukunwari ng isang tao ay hindi nito maitatago. Hindi maglalaon ay lalabas at lalabas din ang kaniyang natural at totoong ugali.

Ito ang mensahe ng ating Ebanghelyo. Dahil kung ano ang nilalaman ng ating puso ay iyon ang lalabas sa ating pagkatao.

Kung ang laman ng puso ng isang tao ay puro kasamaan, iyon din ang lalabas sa kaniyang bibig, isip at maging sa mga ikikilos niya.

Subalit kung ang laman ng kaniyang puso ay kabutihan, iyon ang makikita sa kaniyang mga salita, iniisip at sa kaniyang gagawin para sa kaniyang kapwa.

Nais ipaunawa sa atin ng pagbasa na hindi mahalaga para sa Diyos ang ating panlabas na hitsura o anyo. Ang mahalaga para sa Panginoon ay ang nilalaman ng ating puso.

Pantay-pantay ang pagtingin ng Panginoon sa atin bilang kaniyang nilikha pero susuriin niya ang laman ng ating puso.

Ipinapakita din ni Jesus sa kuwento na hindi Siya mapagkunwari gaya ng mga Pariseo.  At itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na ang kabutihan ng isang tao ang totoong nagpapalinis sa kaniyang pagkatao.

Ang mga masasamang gawain ay nagpaparumi naman sa mata ng Diyos.

Kahit anong linis, kahit na anong selan at banidoso natin sa ating katawan, kung nagpapatuloy naman tayo sa pagkakasala, marumi pa rin tayo sa harap ng Diyos.

Ipinapaalaala ng Pagbasa na hindi lamang natin kailangang linisin ang ating panlabas kundi maging ang ating kalooban.  At magagawa natin ito sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran sa Panginoon sa mga kasalanan na ating nagawa, pangakong magbabagong-buhay at magbabalik loob sa Diyos, at mamahalin at tutulungan ang ating kapwa na nangangailangan.

AMEN.

--FRJ, GMA News