Ang ating pananampalataya sa Panginoon ay kailangan na maging totoo at hindi lamang pakitang-tao (Lk. 11:42-46).
Nakatagpo na ba kayo nang isang tao na ang kahambugan ay mas malaki pa sa kaniya? Yung bang tao na mahihiya ang bagyo dahil sa lakas ng kaniyang "hangin."
Ganito ang nais ipakita ng Mabuting Balita na Luke 11:42-46, patungkol sa kapaimbabawan o kayabangan ng mga Pariseo nang sabihin ni Jesus sa kanila ang mga katagang, "Kahabag-habag kayong mga Pariseo."
Tunay ngang kahabag-habag ang mga taong ito sapagkat ang kanilang ugali at pagkatao ay tigib ng pagbabalatkayo at kapalaluan.
Nais nilang ipakita sa mga tao na sila ay mga relihiyoso subalit nakakaligtaan naman nilang magmahal sa kanilang kapwa na higit na mahalaga para sa Panginoong Diyos.
Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang dalawang mahalagang utos. Ito ay ang pagmamahal sa Diyos at ang pagmamahal sa kapwa.
Samantalang ang tingin din ng mga Pariseo sa kanilang mga sarili ay mga importanteng tao. Masyado silang mapagmataas na para bang sila na lang ang pinaka-magaling at pinaka-matalino kung ihahalintulad sila sa iba.
Inilahad pa ni Jesus ang isa pang masamang ugali ng mga Pariseo sa pamamagitann ng pagiging manhid o walang pakiramdam sa paghihirap ng kanilang kapwa.
Gayong ipinangangalandakan nilang sila ay mga banal at relihiyoso.
Hindi hangad ni Jesus na siraan ang mga Pariseo kundi nais lamang Niyang ituro sa atin na kailangan nating isabuhay ang ating pananampalataya sa Diyos. May nakakakita man o wala sa ating mga ginagawa.
Mas pinagpapala ng Diyos ang mga taong gumagawa ng kanilang "spiritual obligations" nang lihim at walang halong publisidad.
Gaya ng ating pagdarasal at pagbabasa ng Bibliya, hindi naman ito isang palabas na kailangan pang ipanood o ipakita sa ibang tao.
Ipinapaalaala din sa atin ng pagbasa na ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos ay kailangang maging makatotohanan at hindi isang pagkukunwari lamang. Dapat nating pakatandaan na walang maililihim sa Diyos.
Nakikita ng Panginoon ang nilalaman ng ating puso at nababasa Niya ang ating intensiyon.
Gayunman, may ilan pa rin ang may ugaling kagaya ng mga Pariseo. Ipinapakita nilang sila'y mga relihiyoso at maka-Diyos habang manhid naman sila at nagbubulag-bulagan sa pangangailangan ng mga taong naghihikahos.
Ang ating pagiging relihiyoso at maka-Diyos at mas lalong magiging makabuluhan kung totoong maisasabuhay natin ang ating pananampalataya.
Manalangin tayo: Panginoon, maraming salamat po sa pagtuturo sa amin na huwag kaming maging mayabang at mapagkunwari. Sapagkat ang mga tunay na anak Mo ay iyong totoong nagmamahal sa kaniyang kapwa at sa Diyos, at hindi pakitang-tao lamang. AMEN
--FRJ, GMA News