Dahil sa pahirapan sa transportasyon ngayong may COVID-19 pandemic, ilunsad ng isang mag-asawang triathlete ang proyektong pamamahagi ng libreng bisikleta sa mga nangangailangan, lalo na sa frontliners.

Sa programang "Front Row," ikinuwento ni Roy Maceda na nagsimula ang proyektong "BeSeekLetA for Every Juan" nang minsang magdala ang tito niya ng mga piyesa ng bisikleta sa kanilang bahay at buuin ito para sa anak na nahihirapan sa pag-commutre ngayong community quarantine.

"Sabi ko, 'Bakit hindi tayo mamili ng mga bisikleta galing sa iba't ibang parts na ido-donate sa atin? Imbes na itapon ng mga tao bakit hindi nila i-donate sa atin, mapakinabangan natin?'" sabi ni Maceda.

Kaya magmula noong Hunyo, kasama na ni Maceda ang kaniyang misis na si Roann sa paghahanap sa mga patapon nang piyesa ng mga bisikleta mula sa mga donor.

Ilan sa mga nabigyan ng BeSeekLetA for Every Juan ang isang street vendor na sumasabit sa mga truck o naglalakad mula Novaliches hanggang Manggahan, at isang nurse na naglalakad din ng 15 kilometro para makapasok sa Maynila.

Bukod dito, tinulungan din nila ang mga nag-viral na Pinoy dahil sa pagiging malikhain sa gitna ng pandemya, kabilang ang isang lalaki sa Guimaras na gumawa ng bisikleta mula sa mga pinagtagpi-tagping kahoy, at isang tatay sa taga-Tacloban na nag-improvise ng bisikleta gamit ang gulong ng wheelchair.

Tunghayan ang kahanga-hanga nilang kuwento sa video. --FRJ, GMA News