Buwis-buhay sa pagtupad ng kaniyang propesyon ang isang guro sa Tandag City, Surigao del Sur, na nilangoy ang isang malawak na ilog para maihatid lang ang module sa ilan niyang estudyante sa liblib na barangay.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," kinailangan munang umakyat ni teacher Moises ng bundok bago marating ang ilog sa pupuntahan niyang barangay kung saan naninirahan ang ilan sa kaniyang mga mag-aaral.
Iilan lang daw ang bangka sa lugar kaya pahirapan na makasakay dito upang makarating sa kabilang pampang. Kaya ang ginawa ni teacher Moises, nilangoy ang ilog gamit lang ang isang kamay, habang hawak ng isa niyang kamay ang mga module na nakataas sa tubig.
Nakuhanan din ng larawan si teacher Moises na nakakapit sa nakatumbang puno ng niyog para abutin ang ilang piraso ng module na nahulog sa sapa.
Ginagawa ni teacher ni Moises ang pagsasakripisyo sa hangarin niyang hindi mapag-iwanan sa pag-aaral ang kaniyang mga estudyanteng kapos sa buhay, pero may mataas na pangarap.
Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang dedikasyon ni teacher Moises sa kaniyang propersyon at ang pasasalamat ng isa niyang estudyante na pursigidong makapagtapos ng pag-aaral upang matupad ang pangarap niyang maging guro din balang araw. Panoorin.
--FRJ, GMA News