Labis na ikinalungkot ng vlogging community pati na rin ng maraming tao ang pagpanaw ng mga kilalang vlogger na sina Lloyd Cadena and Emman Nimedez. Pero ano nga ba ang mangyayari sa isang YouTube channel kapag pumanaw na ang may-ari nito?
Ayon sa Google, may dalawang paraan kung paano maaasikaso ang channel ng isang namayapang tao.
Una, susundin ng Google ang mga plano ng isang vlogger na inilatag nito sa “Inactive Account Manager” feature.
“Inactive Account Manager is the best way for you to let us know who should have access to your information, and whether you want your account to be deleted,” saad sa instruction.
Gayunman, sinabi ng Google na may mga pagkakataon na pumapanaw ang isang user na hindi nakapag-iiwan ng "clear instructions about how to manage their online accounts.”
Kapag nangyari ito, sinabi ng Google na maaari nilang tulungan ang pamilya at mga representative ng isang tao para maipasara ang account nito.
Maaari ding magbigay ang Google ng content mula sa account ng taong pumanaw.
Gayunman, saad ng kumpanya na, "We cannot provide passwords or other login details. Any decision to satisfy a request about a deceased user will be made only after a careful review.”
Pumanaw si Lloyd nitong Setyembre matapos magpositibo sa coronavirus disease, samantalang pumanaw naman si Emman noong Agosto matapos makipaglaban sa acute myeloid leukemia.
Sa Brandcast Delivered virtual noong nakaraang Huwebes, sinabi ni Google Philippines marketing head Gabby Roxas: “They were creators that are very close to our hearts. It still affects me personally.”
Sinabi naman ni Mervin Teo Wenke ng Google Philippines na nagtanong na ang pamilya ni Lloyd tungkol sa channel ng vlogger.
“The loved ones have the option they can request, they can go to the help center to access the account,” sabi ni Wenke.--Jamil Santos/FRJ, GMA News