Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga telecommunication company na pagandahin pa ang kanilang serbisyo. Pero bakit nga ba mabagal pa rin ang internet connectivity sa Pilipinas?
Sa "Newsmakers" ng GMA News and Public Affairs, ipinaliwanag ni Ernest Cu, President and CEO ng Globe, na napabuti naman ng Globe at Smart ang kanilang serbisyo sa mga nagdaang taon sa pag-usbong ng 4G. Pero kailangang bumalik ang kanilang mga revenue para sa mga imprastraktura na kanilang pinapatayo.
Para naman sa dating acting secretary ng Department of Information and Communications Technology na si Eliseo Rio Jr., sinabing malabong umayos agad ang telecommunications ng bansa sa Disyembre dahil hirap ang gobyerno sa pagpapatayo ng telecommunication sites.
Kinumpirma ni Cu na "worst" ang Pilipinas sa South East Asia pagdating sa pagtatayo ng mga cell site, na mayroon lamang ng nasa 20,000 cell sites.
"That's why there's a need to build more of these sites. Unfortunate thing is that it's very difficult to build cell sites in the Philippines," sabi ni Cu.
"Hindi lang ho cell sites ang problema, kabit-kabit ho 'yan eh, you have to go to all. You have to go from the city down to the barangay level, even to the neighbors. 'Cause there's a lot of bureaucracy and red tape in the system," dagdag pa ni Cu.
"'Yung mga LGUs natin, knowing na ang laki ng income na kinukuha nitong mga mobile... in other words 'pag naglagay ka ng tower sa jurisdiction ko, maraming permits na kailangan, for revenue rin ng LGUs," sabi ni Rio.
Para solusyunan ito, nagsisimula na ang mga independent third party sa pagtatayo ng mga common tower, na puwedeng pagkabitan ng mga telco ng transmitter.
Samantala, sa kabila ng mga reklamo, ipinaliwanag ni Cu na kung Asia Pacific ang pag-uusapan, mababa ang singil ng Pilipinas pagdating sa mobile data kada gigabyte.
Gayunman, ayon kay Cu, patuloy pa rin ang pagdami ng mga taong gumagamit, at ang pagtaas ng data na kailangan sa kanilang paggamit, kaya tila mabagal pa rin ang internet connection.
Panoorin ang naging tugon ng Globe sa mga netizen na nagrereklamo sa kanilang mabagal na internet. --Jamil Santos/FRJ, GMA News