Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nag-trending ang Depression Anxiety Stress Scale o DASS test para malaman ng isang tao ang antas ng kaniyang emosyon. Ngunit may paalala ang eksperto tungkol sa paggamit nito, lalo na ang pag-unawa sa resulta.
Sa ulat ni Manal Sugadol ng "Stand For Truth," inihayag ni Jeemon Bacaoco, psychologist at learning development head sa Mental Health PH, na hindi lang tungkol sa mga numero ang pag-diagnose sa mental health ng isang tao.
"If you don’t have the expertise, you might not make the right diagnosis and second, when you make a diagnosis, it has to come from multiple sources so hindi puwedeng isang test lang," sabi ni Bacaoco.
"Usually ang ginagawang basis when you make a diagnosis is psychological assessment and usually it will involve a lot of tests and DASS (Depression Anxiety Stress Scales) is one test so it’s very difficult to make a diagnosis out of it," dagdag pa niya.
Idinisenyo nina Syd at Peter Lovibond ng University of New South Wales, bilang isang open source test ang DASS noong 1995, para sukatin ang mental health ng isang tao base sa lebel ng kaniyang depression, anxiety at stress.
Ayon kay Bacaoco, valid na test ang DASS, ngunit kailangan pa rin ng gabay ng isang propesyonal ang isang indibidwal na sumasagot nito.
"In taking the test, okay lang naman, walang problema but in the interpretation, you really have to proceed with caution because when you interpret psychological stress, kailangan doon ng clinical judgment and that is being developed through years of education and experience," saad niya.
Sa mga nakararanas ng mga problema sa kanilang mental health, maaaring tawagan ang National Center for Mental Health Crisis hotline sa 7-898727 o 09178998727. --Jamil Santos/FRJ, GMA News