Inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin na inaaprubahan na ng kanilang bansa ang isang COVID-19 vaccine matapos ang halos na dalawang buwang human testing. Ligtas na kaya itong gamitin kapag binigyan ang Pilipinas?
Sa panayam sa GMA News "Unang Hirit" nitong Miyerkoles, sinabi ni Department of Health (DOH) spokesperson Maria Rosario Vergeire, na nasa phase 3 pa rin ng clinical trials ang bakuna mula sa Russia na kailangan pa itong tapusin.
Ayon pa kay Vergreire, pinag-uusapan na ng vaccine experts panel ng Department of Science and Technology (DOST) kung kakailanganing magsagawa ng isa pang trial kapag dumating sa Pilipinas ang bakuna.
"Although doon po sa initial findings sinasabi po nila doon sa kanilang report na mukhang maganda naman ang ipinapakita doon sa mga nabigyan, pero wala pa pong conclusive findings po 'yan kaya kailangan hintayin pa rin po natin kung ano po talaga 'yung magiging resulta," sabi ni Vergeire.
Sinabi pa ni Vergeire na mayroon nang inilaang pondo ang DOH na P2.4 bilyon para sa bakuna sa 2021 budget nito.
Sa kabuuan, nasa anim na bakuna mula sa iba't ibang panig ng mundo ang tinitingnan at pinag-aaralan na ng gobyerno.
"Ito po ay pinag-aaralan na nating lahat para makita natin kung ano 'yung most appropriate na puwede po dito sa Pilipinas," anang tagapagsalita ng DOH.
Sinabi rin ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pang go-signal para gamitin sa bansa ang Russian vaccine dahil kailangan munang magkaroon pa dito ng pag-aaral at iba pang impormasyon.
“Depende pa ‘yan. We have to learn more about it,” sabi ni Duque nang hingan ng komento sa pahayag ni Pangulong Duterte na tinatanggap niya ang alok ni Putin na pagkalooban ng bakuna ang Pilipinas.
Handa pa nga raw si Duterte na maunang mabakunan nito.
Sinabi naman ni Food and Drugs Administration (FDA) director general Eric Domingo, na maaaring tumagal ng hanggang apat na linggo ang pag-review sa COVID-19 vaccine ng Russia.
“Ang FDA, sinusuri niya lahat ng data. Kailangan maipakita po sa amin 'yung data, findings, tsaka 'yung scientific na mga information about the vaccine to assure na safe siya at tsaka effective siya,” anang opisyal. -- FRJ, GMA News