Inihayag kamakailan ng isang PhilHealth executive na maaaring mag-collapse ang ahensiya sa 2022 dahil sa kakaunti na lang pondo nito dahil umano sa mga gastusin sa pandemiya. Kasabay nito ang umano'y bilyong-bilyong pondo na nawawaldas sa katiwalian. Pero may habol pa ba ang PhilHealth members o maibalik sa kanila ang kanilang kontribusyon sakaling tuluyang magsara ang ahensiya?

Sa GMA News "Unang Hirit," sinabi ni resident lawyer Atty. Gaby Concepcion, na "strictly speaking" ay walang magiging habol ang mga miyembro ng PhilHealth kapag nagsara ito.

Tila hindi na raw maiiba ang PhilHealth sa ilang korporasyon na nalugi at nagsara, at hindi na rin nabayaran ang kanilang mga kliyente .

"Kung walang gagawin ang ating pamahalaan kung ang mangyayari lamang eh wala...hindi na ito naiba pa sa mga dating korporasyon na sabihin na lang natin sa korporasyon ng educational plans na kahit may mga obligasyon o utang pa sa mga nagbayad, yung mga magulang na talagang nag-save at nag-invest, eh naiwang nakanganga na lamang yung mga magulang dahil nawala nga yung mga eductional companies na ito," sabi niya.

"Dahil wala ring guarantee ang pamahalaan na isalba ang PhilHealth, hindi gaya halimbawa ng ibang kompanya, halimbawa yung Pag-Ibig na nakalagay sa batas na may guarantee ang government natin na dapat maibalik ang pera ng mga naghulog dito," patuloy ni Atty. Gaby.

Para naman sa mga ospital na hindi pa nababayaran ng PhilHealth, nakasaad sa Universal Healthcare Act na dapat maglaan ang pamahalaan ng subsidy para mapunan ang pagkukulang ng ahensiya. Gayunman, makukuha lang ito sa ibang aspeto ng budget.

Pero posible naman daw mahaharap sa mga kaso ang mga opisyal na guilty sa graft and corruption na responsable sa pagkawala ng pondo ng PhiHealth. Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin sa video ng Unang Hirit.--FRJ, GMA News