Hindi hinayaan ng flight attendant na si Em Enrique ang sarili na tuluyang magpatalo sa matinding lungkot at pag-aalala matapos siyang mawalan ng trabaho. Kasama ang kaniyang ina, nagsimula siyang muli sa pamamagitan ng pagtitinda ng prutas.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing kabilang si Enrique sa libu-libong nagtatrabaho sa airline industry na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.

“I’ve been doing this for 5 years already, so sobrang nawala yung identity ko noong nawala ’yung lipad eh. Sobrang na-detach ako sa reality ko,” sabi ni Enrique.

Maganda ang sahod niya noon sa pagiging flight attendant. Pero naibos ang naipon niya nang maoperahan ang kaniyang ina.

Dahil sa kawalan na ng ipon at kawalan ng katiyakan kung makababalik pa siya sa trabaho, nagdulot ito ng matinding pag-aalala at kalungkutan sa dalaga.

“So what will I do sa next two months? Nagkaroon ng anxiety kasi we are not sure kung may babalikan kaming work. Well until now we’re not sure,” saad niya.

Maging ang kaniyang ina, ramdam ang kalungkutan ng anak na kaniya ring ikinabahala.

Sa huli, nagdesisyon si Enrique na mag-isip ng paraan upang makabangon sa kinakaharap na pagsubok at nagsimula ng negosyo sa pagtitinda ng gulay via online.

“I took it as an opportunity to rest pero sabi ko I have to do something to preserve my mental health. I have to keep myself busy,” saad niya.

Avocado ang pangunahin niyang itinitinda dahil sa mataas demand ngayon at panahon niya. Kasama ang ina, silang dalawa ang nagdedeliver sa mga umo-order.

Sa loob pa lang ng dalawang araw mula nang gawin niya ang negosyo. 

nakapagbenta na raw siya ng 80 hanggang 100 kilo. Hindi man kasing-laki ng kinikita niya sa pagiging flight attendant, ang mahalaga raw ay may pagkukunan sila ng panggastos sa araw-araw.

At ang mensahe niya sa mga katulad niyang nawalan ng trabahon nang dahil sa pandemiya, "Hindi lang tayo mag-e-end doon sa regular job natin, we can stretch our potential, we can push ourselves.”

“’Yung hindi natin alam na kaya pala natin gawin, magagawa natin dahil sa pandemic na ito. So take that as an opportunity to improve ourselves,” dagdag niya. – FRJ, GMA News