Mula nang ipatupad ang community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic, maraming empleyado ang work from home ngayon. Pero ayon sa isang pag-aaral, maaaring magresulta ng mas mataas na antas ng stress ang work from home set-up.
Sa ulat ni JM Encinas sa "Stand For Truth," sinabi sa isang pag-aaral ng United Nations International Labour Organization na maaaring maiugnay ang mataas na pagdepende ng isang empleyado sa kaniyang work tier tulad ng laptop at cellphone sa mataas na antas ng stress dahil nagiging habit ito at 'di na maiiwasan ang paggamit.
Bukod dito, problema rin sa empleyado ang kakulangan ng work structure sa isang work from home set-up dahil wala siyang mga limitasyon sa kaniyang mga ginagawa--pati na ang mga gawain sa bahay.
"It could be stressful kasi sometimes hindi na natin nari-realize 'yung boundaries natin between work and 'yung family set-up or household set-up. So minsan hindi mo alam napo-prolong mo 'yung time mo for working," paliwanag ni Assistant Secretary Nikki Tutay ng Employment Cluster ng Department of Labor and Employment.
Ayon kay Tutay, kailangan ng malakas na communication system, internet facility at signal lalo na sa mga BPO para sa isang maayos na work from home set-up.
Kung wala nito, ang isang empleyado ay maaari umanong mawalan ng focus at gana na mauuwi sa anxiety at depresyon.
Kadalasang sintomas ng stress sa isang empleyado ang madalas na pagliban sa trabaho, nawawala sa focus, hindi natatapos ang deadline, at laging pagod.
"Kapag under stressed tayo, ang ibig sabihin nito ay nasa relaxation or vacation mode tayo and dahil dito, mababawasan or mawawalan tayo ng motivation, ng drive, ng interest or ng willpower," sabi ng psychologist na si Dr. Randy Dellosa.
Patuloy niya: "'Pag over stressed naman tayo, siyempre pump nang pump ang sistema natin ng adrenaline para maka-cope tayo sa stress. And 'pag napagod na 'yung katawan natin sa pagpa-pump ng adrenaline, ang kasunod noon ay made-drain naman tayo ng energy."
Panoorin ang video para sa buong pagtalakay sa naturang usapin.--FRJ, GMA News