Naalala ko noong bata pa ako, kapag sa tuwing ako mayroong akong sakit ay lagi akong hinahaplos ng aking ina sa ulo. Pagkatapos nito, makakaramdam na ako ng kaginhawahan hanggang sa ako ay tuluyan nang gumaling. Ang haplos na ito ay mayroong kalakip na pagmamahal ng isang mapagmahal na ina.
Sa ating Ebanghelyo ngayong araw (Mathew 9:10-26) mababasa natin na dalawang tao na maysakit ang napagaling ni Hesus sa pamamagitan lamang ng haplos. Ang isa ay hinaplos niya sa laylayan ng kaniyang damit, samantalang ang isa naman ay batang hinawakan ng Panginoon sa kamay.
Pinatunayan sa kuwentong ito na hindi isang ordinaryong paghawak ang nangyari sa dalawang tao na may karamdaman. Sapagkat ang mga paghawak na ito ay may kasamang malalim na “pananampalataya” na tanging Diyos lamang ang solusyon sa lahat ng suliraning ating binabalikat.
Halos mawalan na ng pag-asa at panghinaan ng loob ang babaeng labindalawang taon nang dinudugo (Verse 20) dahil naubos na ang lahat ng kaniyang kayamanan sa pagpapagamot para lamang siya gumaling. Subalit kahit gaano man karami ang kaniyang salapi wala pa rin nagawa ang mga doktor na tumingin sa kaniya.
Hindi ang “material wealth” ng babaeng ito ang nagpagaling at nagsalba sa kaniya, kung hindi ang kaniyang malalim na pananampalataya kay Kristo. Marahil naisip niya, tanging si Hesus na lamang ang makakapagpagaling sa akin. Kung hindi siya kayang pagalingin ng kaniyang salapi, tanging ang pananampalataya niya sa Panginoon ang kasagutan sa kanyang suliranin, iyon lamang at wala nang iba.
Halimbawa sa nararanasan natin ngayong pandemiya na dulot ng COVID-19, ang isang pasyenteng kinapitan nito kahit gaano pa karami ang kaniyang kayamanan at salapi ay hindi rin maililigtas ng kaniyang “material possesions” kung wala sa kaniya ang pananampalataya katulad sa babaeng dinudugo.
Ang isang pasyenteng may COVID-19 na nasa banig ng karamdaman, kapag siya ay nag-iisa na lamang sa kaniyang kuwarto dahil kailangan siyang ihiwalay sa iba upang hindi makahawa, maaaring tumatangis siya sa labis na kalungkutan at pangamba.
Subalit ang kaniyang mga hikbi at hinaing ay hindi maririnig ng kaniyang mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Wala ring magagawa ang kaniyang kayamanan. Ngunit sa ganitong sitwasyon, may isang nakakakita at makakarinig sa kaniyang mga pinagdadaanan...walang iba kundi si Hesus.
Ang tao ay halos magpakamatay para lamang magka-pera. Sukdulan ang ginagawang paraan kahit pa masama para lamang kumita. Masyadong nagpapakaalipin ang mga tao sa pera. Pero ang pera ay hindi kailanman magiging tapat sa tao. Kapag naubos na ang lahat ng iyong pera, hindi na iyan babalik at magsasabing hindi kita iiwan, sasamahan kita sa hirap at ginhawa. Pero si Hesus, hindi ka niya iiwan, hindi ka niya pababayaan.
Tanging ang ating pananampalataya sa Panginoon ang totoong magliligtas sa atin gaya ng nangyari sa anak ng isang pinunong Judio (Verse 24-26). Halos mawalan na rin siya ng pag-asa, subalit dahil sa lalim ng kaniyang pananalig kay Hesus ay napagaling nito ang kaniyang anak.
Ang ating malalim na pananalig sa Diyos ang totoong magsasalba sa atin mula sa iba’t-ibang unos sa buhay. Amen
Pagpalain nawa tayo sa linggong ito.
--FRJ, GMA News