May kasabihan na "To see is to believe." Bago maniwala, naghahanap muna ng katibayan ang isang tao. Pero sadyang mahirap papaniwalain ang isang taong walang paniniwala, lalo na ang taong walang pananampalataya.
Ganito ang ating mababasa sa Ebanghelyo tungkol sa disipulong kay Tomas sa pagdiriwang ng kaniyang Kapistahan. Si Tomas ay kilala din bilang "Thomas the doubter."
Dahil sa kaniyang pagdududa, humihingi pa siya ng mga patotoo bago niya paniwalaan ang ibinalita sa kaniya ng kaniyang mga kasamahang disipulo tungkol sa pagpapakita ni Hesus matapos na muling mabuhay ang Panginoon.
Kaya pinawi ng Panginoong Hesus ang mga pagdududa ni Tomas. Nang muli siyang magpakita rito, ipinakita niya ang mga pilat o bakas ng kaniyang mga sugat. Kasunod ng mga salitang sinabi ni Hesus sa kaniya. "Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka."
Ilan kaya sa atin ang kagaya ni Tomas na mayroong pagdududa lalo na ngayong panahon ng pandemiya? Marahil dahil sa krisis na ating nararanasan, may ilan sa ating ang nagdududa at nawawalan na ng tiwala sa Diyos.
Sana maisip natin at mapagnilayan na sa kabila ng mga pagsubok ngayon ngayon na ating kinakaharap, isaisip na pa rin na hindi tayo pinababayaan ng Panginoon.
Sapagkat pagmulat pa lamang ng ating mga mata sa umaga at tayo ay nakakahinga pa, isa na itong pagpapatotoo na ang Diyos ay hindi isang kathang-isip lamang; bagkos ay totoong umaalalay sa atin sa kabila ng mga pagsubok na ating nararanasan.
Kung dumaranas man tayo ng matinding pagsubok dahil sa COVID-19, hindi ito nangangahulugan na tinatalikuran na tayo ng Panginoon. Ang totoo, walang dahilan para magpakita pa Siya ng ebidensiya para lamang patunayan na Siya, dahil ang mismong mga buhay natin dito sa ibabaw ng mundo ay isa nang matibay na ebidensiya ng Kaniyang wagas at nag-uumapaw na pag-ibig sa atin.
Ang mga taong salat at naghihikahos sa buhay, sa likod ng kanilang kahirapan ay nananatili pa rin silang masaya at kuntento kahit tuyo at daing lamang ang kanilang pinagsasaluhan. Pero ni minsan, hindi sila nagkaroon ng pagdududa at alinlangan sa Diyos.
Subalit ang nakalulungkot, kung sino pa ang nabiyayaan ng maraming pagpapala sa pamamagitan ng karangyaan ay iyon pa ang mga taong nagdududa sa Diyos; na para bang kulang pa ang mga grasyang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon.
Naharap lamang sila sa isang pagsubok, nagduda na agad sila sa Diyos. Samantalang noong tumatanggap sila ng katakot-takot na biyaya ay wala silang reklamo at pag-aalinlangan.
Tanging Diyos lamang ang nakakaalam kung bakit tayo kasalukuyang dumaranas ng mga pagsubok. Subalit sa kabila nito, hindi ito dapat ang maging dahilan para masira ang ating tiwala at pananampalataya sa Kaniya.
Pinaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na kailangang ipakita natin sa Panginoon ang ating buong pagtitiwala at pananampalataya sa Kaniya sa kabila ng mga nararanasan nating krisis sa buhay. Amen
Have a safe and blessed weekend.
--FRJ, GMA News