Naging hamon para sa pamilya ni Lolo Rogelio Dy, 76-anyos na may Alzheimer's disease, kung papaano ipaliliwanag sa kaniya na nasa ospital ang asawang si Lola Erlinda dahil nagkaroon ng COVID-19. Ang lolo, laging nagpupumilit na lumabas ng bahay para puntahan ang kaniyang minamahal.
Sa "Juan Love" ng GMA Public Affairs, itinampok ang kuwento nina Lolo Rogelio at Lola Erlinda na limang dekada nang nagsasama.
Nagpositibo si Lola Erlinda sa COVID-19 noong Mayo 21, pero hindi na tumatatak sa isipan ni Lolo Rogelio na may kumakalat na pandemya sa bansa.
"Kailangan pagpasensyahan mo lang tapos mag-e-explain ka lang talaga nang maigi sa kanya," sabi ng kanilang apo na si Jove Pascual.
"Kailangan namin siyang bantayan hanggang makatulog ulit, kasi kinakatakot namin 'yung part na kapag nakalabas siya, makalimutan niyang umuwi. Nangyari na kasi isang beses 'yun," ayon pa kay Jove.
Nang ipasuri sa doktor si Lolo Rogelio, napag-alamang mayroon siyang moderate Alzheimer's disease at may mga pagkakataong agresibo rin siya.
Para pakalmahin, lagi nilang tinatawagan si Lola Erlinda para makausap si Lolo Rogelio.
"Kapag kinukumusta niya ako, kinikilig ho siya. Nami-miss daw niya ako. Sabi niya susunduin daw niya ako diyan. Sabi ko hindi puwede," sabi ni Lola Erlinda.
Wala na raw ibang hangad si Lolo Rogelio kundi maghintay na umuwi ang kaniyang asawa.
"Naaawa nga ako sa asawa ko e. Kung magkakasakit, ako na lang sana, huwag na siya. Siyempre mahal ko ho 'yung asawa ko kaya ganoon, kaya lang hindi ako pinapupunta sa ospital, bawal daw. Nag-aantay na lang ako na dumating siya," sabi ni Lolo Rogelio.
Hunyo 6 nang ma-clear na si Lola Erlinda para makaalis ng quarantine facility.
Sa halip na sabihin sa kaniya ng mga apo ang magandang balita, naisip nilang sorpresahin si Lolo Rogelio.
Naisip ni Lolo Rogelio na binibiro lang siya nang sabihan siya na mayroon daw siyang bisita na naghihintay sa kaniya sa labas ng bahay.
Pero nang makita na niya si Lola Erlinda, nagmano lang siya sa kaniyang asawa, habang tuwang tuwa naman ang kanilang pamilya pati mga kapitbahay sa kanilang muling pagkikita.
"Tinanong ko siya bakit hindi niya ako niyakap, kasi sabi niya marami raw tao," kuwento ni Lola Erlinda.
"Sabi, 'O may kissing scene ka na a, kasi andyan na dumating na.' E bihira naman kami mag kissing scene," sabi ni Lolo Rogelio.
Ngayong muli silang magkasama, pinagsisikapan ni Lolo na mas alagaan pa si Lola Erlinda.
"Lagi niya ho akong sinisilip. Tinatanong niya kung kumain na ako. Sabi ko oo. Nasu-sweetan ako sa kaniya, sa ginagawa niya... Mas malambing ho siya sa akin ngayong pagbalik ko," ayon kay Nanay Erlinda.
"Siyempre natuwa ako. Makakasama ko na siya sa pagtulog. Pagtulog nga magkahiwalay pa kami eh. Pero masaya na ako nu'n kasi nakikita ko siya," ayon kay Lolo Rogelio. --FRJ, GMA News