Maraming iniwang alaala ang pambansang bayani na si Jose Rizal sa ating kasaysayan. Kaya ang ilang kolektor, handang bilhin ang kaniyang mga memorabilia kahit pa milyon-milyon ang halaga. Alamin kung ano ang pinakamahal na pagmamay-ari ni Rizal na naibenta sa auction sa halagang mahigit P17 milyon.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang Leon Gallery na nagbebenta ng mga memorabilia ni Rizal.
Naibenta raw nila sa halagang P2,000,000 ang tampipi o sinaunang maleta na gawa sa rattan na pinaglagayan ng orihinal na kopya ng Noli Me Tangere.
Ang mga liham naman ni Rizal, nagkakahalaga ng P2,000,000 hanggang P6,000,000 kada isa.
Naibenta rin ang isang Jabali o imahe ng baboy ramo na inukit ni Rizal sa halagang P15,000,000 hanggang P16,000,000.
Ngunit ang pinakamahal daw na memorabilia ni Rizal na naibenta ng nasabing auction house, ang wood sculpture na "The Filipino," na isa ring lechon tray, sa halagang P17,520,000.
Samantala, nabili naman ni Jun Brioso, isang "Rizaliana" collector, ang vinyl ng recording ni Rizal ng tamang pagbigkas ng huling tula niya na Mi Ultimo Adios, sa halagang P4,000 sa online auction ng isang website sa Spain.
Hawak naman ng isang hindi pinangalanang antique collector ang isa sa mga unang litrato ng pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan, na hindi niya inaasahang makuha nang bumili siya ng lumang album ng mga Amerikanong nadestino sa Pilipinas mula 1899 hanggang 1900s. --Jamil Santos/FRJ, GMA News