Sa kaniyang edad na 75, dapat ay ini-enjoy na ni Nanay Rosalinda ang kaniyang buhay na isang dating guro. Pero dahil sa pagkakaroon ng kapansanan sa pag-iisip ang tatlo niyang anak na mga lalaki na pawang nasa hustong edad na, patuloy siyang nagsisikap upang maalagaan ang kaniyang mga anak.
Dahil wala na rin trabaho, umaasa si Nanay Rosalinda ng Balingasag, Misamis Oriental, sa kaniyang buwanang pensyon na P12,000. Pero dahil sa dami ng utang, P3,000 na lang daw ang natitira rito.
Kaya naman malaking tulong sana sa kanilang pamilya ngayong lockdown ang anumang financial assistance na makukuha sa gobyerno pero hindi na raw siya kuwalipikado dahil sa kaniyang pensyon.
Ngunit dahil na rin sa kaniyang edad at kalagayan ng kaniyang mga anak, umapela siya ng tulong upang kahit papaano ay gumaang ang kanilang buhay.
“Unti-unti akong nawawalan ng lakas. Ang balak ko ngayon, maghahanap ako ng mga tao na tatanggap sa kanila kung ako’y patay na lalo na matanda na ako. Papayag ako basta kapakanan nila. Titiisin ko kahit masakit man,” pahayag niya.
“Kung maaari sana, pahabain pa ang buhay ko upang makahanap ako ng mga tao na may puso na tutulong sa kanila," dagdag niya.
Tunghayan ang dedikasyon ni Nanay Rosalinda bilang isang ina at pagbisita sa kaniya ng mga dati niyang estudyante na hindi siya nakalimutan bilang kanilang pangalawang ina. Panoorin ang nakaantig na kuwento sa video na ito. Panoorin. --FRJ, GMA News