Lakas-loob na lumantad ang 37-anyos na si Celia mula sa Zamboanga upang ilahad ang kalupitang sinapit niya sa kamay mismo ng kaniyang mister na tumaga sa kaniyang mukha habang umiiral ang lockdown. Pero bago maganap ang pananaga, nag-away muna ang mag-asawa dahil pinipilit ng mister na makipagsiping sa kaniyang biktima.
Magmula nang magka-lockdown bunsod dahil sa COVID-19 pandemic, tumaas umano ng 30 porsiyento ang mga kaso ng domestic violence sa buong mundo.
At batay sa datos ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police, may naitalang 3,699 na kaso ng gender-based violance simula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa noong Marso.
Kada 10 minuto, mayroon umanong naitatalang kaso ng pang- aabuso, at maaari pa itong madagdagan habang patuloy na pinapalawig ang quarantine period sa bansa.
Isa lang si Celia, sa mga naging biktima ng karahasan sa loob tahanan ngayong pandemic. Dahil lagi lang nasa bahay, madalas din na magkasama ang pamilya na kung minsan ay humahantong sa krimen.
Dati na raw nakararanas ng pananakit sa asawa si Celia, pero nang hubaran siya nito at piliting makipagtalik nitong nakaraang Abril, nadesisyon na siyang magreklamo sa barangay at desidido nang hiwalayan ang mister.
At nang makita siya ng mister, doon na naganap ang pananaga sa kaniyang mukha at iba pang parte ng katawan, na inakala niyang magiging katapusan na niya.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang ginawang paglalahad ni Celia sa kaniyang sinapit para mabigyan ng mukha ang iba pang mga naging biktima ng domestic violence sa Pilipinas sa panahon ng pandemya. Panoorin. --FRJ, GMA News