Inilahad ng kalihim ng Department of Health kamakailan na wala pa umanong nakukuhang ebidensya ang World Health Organization (WHO) na magpapatunay na nakahahawa ang mga asymptomatic sa COVID-19,  o mga taong positibo sa virus pero walang sintomas ng sakit. Gayunman, hindi raw ito nangangahulugang hindi na puwedeng mangyari ang asymptomatic transmission.

"Pero hindi naman nila sinasabi na hindi puwedeng mangyari ang asymptomatic transmission," sabi ni Duque sa ulat ni Shai Lagarde sa Stand For Truth.

Paliwanag ng kalihim, karaniwan daw kasing naipapasa ang virus sa pamamagitan ng respiratory droplets o sa pag-ubo at pagbahing.

"How is the virus transmitted? Hindi ba via ng respiratory droplets, kapag inubo ka , humatsing ka, sinipon ka. So kung wala kang sintomas na 'yon, paano mo nga naman maikakalat [ang virus]," paliwanag ni Duque.

Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, Director, UP Institute of Molecular Biology and Biotechnology, mayroon umanong ebidensiya na nakaka-transmit ang mga presymptomatic, o 'yung mga asymptomatic na magkakarooon ng sintomas matapos ang dalawa o tatlong araw.

"'Pag tumatalsik 'yung laway nila or kung hinawakan nila 'yung bibig nila tapos hinawakan nila 'yung ibang things. Hindi pa sila nagkakaroon ng sintomas, nagsisimula na silang mag-shed ng virus at puwedeng makahawa ang virus na 'yon, pero hindi kasing-efficient ng isang taong may sintomas talaga," sabi ni Salvaña.

"So the estimate is that 85% of transmission is because of symptomatic and about 12% to 15% is from presymptomatic," ayon pa kay Salvaña.

Ang frontliner na si Dr. Athan Luzano, na "mostly asymptomatic" sa simula pero nagpositibo sa COVID-19. Alamin kung ano ang kaniyang naramdaman sa katawan nang hindi niya namamalayan na taglay pala niya ang virus.

Tunghayan ang kaniyang kuwento sa ulat na ito.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News