Kahit mahirap ang buhay-frontliner sa Canada, nagsisikap pa rin Pinoy student worker na mapanatiling buhay ang kaniyang pangarap na makapiling ang kaniyang ina at kapatid na nasa U.S. Ang kaniyang ina, halos 10 taon na niyang hindi nakikita at na-diagnosed pa na may colon cancer.
Sa RTx ng GMA News and Public Affairs, sinabing sumugal si Franklin Pangan para maging isang international student sa Canada noong Disyembre 2019. Bago nito, halos 10 taon na siya bilang isang registered nurse sa Pilipinas.
Dahil sa hirap ng buhay sa Canada, napilitan si Frank na mamasukan bilang isang housekeeper sa isang hotel para sa kaniyang mga gastusin. Pero matapos ang tatlong buwan, nawalan siya ng trabaho nang magsara ang business establishments sa pagputok ng COVID-19 sa Canada.
Nagtatrabaho naman sa U.S.A. bilang isang manager sa rehab facility sa New Jersey ang nanay ni Frank, samantalang ang kapatid niya ay critical care nurse sa Seattle.
Taong 2012 nang huling makasama ni Frank ang ina sa Pilipinas. Hindi na raw ito nasundan nang ma-diagnose ang ina ng colon cancer.
Apat na beses nag-apply ng US visa si Frank pero nabigo siya sa lahat ng pagkakataon. Hanggang sa nakapagtrabaho siya bilang isang personal support worker (PSW) sa retirement home sa Canada.
Limang taon pa ang gugugulin ni Frank bago mabisita ang kaniyang ina na nasa Amerika, dahil ito ang panahon na maaari na siyang mabigyan ng permanent resident status ng gobyerno ng Canada.
"Masuwerte 'yung iba kasi during this quarantine kasama nila 'yung pamilya nila. Pero ako, this quarantine mag-isa akong sumusulong kasi malayo ako sa family ko," sabi ni Frank.
"Ang prayer ko kay God, every day alagaan 'yung nanay ko at saka 'yung kapatid ko. Pinagpe-pray ko every day, sana matapos na ito. Sana matupad 'yung pangarap ko, nag-iisa lang 'yun, makasama ko 'yung nanay ko, makasama ko 'yung kapatid ko," sabi pa niya.
Samantala, doble-kayod din si Ma. Teresa Rule, Pinay student worker, na naninirahan naman sa Australia.
Assistant siya sa nursing sa isang age-care facility at naranasan niya rin ang hirap ng pagiging isang frontliner, lalo na ang pagtatrabaho sa dementia unit kung saan may insidente na nasipa pa siya ng pasiyente.
At nang magka-COVID-19 sa Australia, naranasan niya ring mag-alaga ng isang PUI, kung saan kailangan niyang uminom ng maraming vitamins para sa kaniyang immunity.
Dahil sa pagkalat ng virus, nabawasan din ang oras ng trabaho ni Teresa kaya nabawasan din ang kaniyang kita. Hindi katulad ni Frank na may ayuda ang gobyerno ng Canada, walang natanggap na ayuda si Teresa mula sa gobyerno ng Australia.
Sa kabutihang palad, natulungan si Teresa ng support network na Damayan Migrante, na nagbibigay ng relief para sa mga apektadong Pinoy sa Australia.
"Gusto ko kasi talagang tumulong. Once you're blessed, share your blessing and you will be more blessed. Kumbaga bumabangon ako para sa sarili ko para makatulong ako sa iba," sabi ni Teresa.
Tunghayan ang kanilang mga kuwento sa video na ito.--FRJ, GMA News