Maraming bata at kabataan ang mga nasa bahay-ampunan at sabik na naghihintay ng mga taong kukupkop sa kanila at maituturing nilang pamilya. Bagama't may legal na paraan, may mga tao rin na dumadaan sa ilegal na proseso ng adoption dahil magastos at matagal daw ang legal na proseso.
Sa programang "Brigada," ipinaliwanag ni Atty. Kristine Mijares ng GP Angeles and Associates Law Office na dalawa ang klase ng adoption sa Pilipinas.
Una ang Domestic Adoption Act, kung saan kailangan ng mga Pilipino at foreigners na manirahan sa bansa nang aabot sa tatlong taon bago makapag-file ng petition para sa adoption.
Ang Inter-Country Adoption Act naman ay para sa mga Pilipino o foreigners na naninirahan sa ibang bansa.
Sinabi ni Irish Opeña, OIC Division Chief, Adoption Resource and Referral Division ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring pumunta sa DSWD offices ang interesadong pamilya na mag-aampon ng bata para magtanong at dumalo ng adoption forum.
Maliban sa DSWD offices, mayroon ding accredited na child placing agencies.
Ayon sa DWSD, tumatagal ng dalawa o tatlong taon ang proseso ng pag-ampon, kasama na ang administrative at judicial na proseso, at maaaring umaabot ng P100,000 hanggang P300,000 ang gastos.
Kaya ang iba, dumadaan sa ilegal na paraan pero mabilis at matipid ang proseso.
Isa na rito si "Bert," na nagkaroon ng panganay na anak sa halagang P5,000.
Gayunman, maituturing pa rin itong "simulation of birth" na paglabag sa Republic Act 8552 o Domestic Adoption Act of 1998 dahil sa pagrehistro ng pangalan ng isang bata sa hindi nito biological parents o tunay na magulang.
Tunghayag ang ginawang pagtutok ng Brigada hinggil sa proseso at mga requirement ng adoption, at alamin ang buhay ng mga bata at kabataang nasa isang bahay-ampunan na nasasabik na magkaroon ng kanilang matatawag na pamilya. Panoorin ang video.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News