Pagdating sa masarap na kainan, hindi mawawala sa mga Pinoy ang mga ihaw-ihaw. Ngunit mayroong tamang paraan ng pag-iihaw sa mga liempo, manok, isda, pati gulay para mapangalagaan din ang kalusugan.
Sa programang "IJuander," ipinaliwanag ng culinary instructor na si Chef Mark Alejandrino na nilalagyan lang ng paminta at asin ang liempo dahil mabilis itong masunog kung lalagyan pa ng iba't ibang sangkap tulad ng toyo o ketchup.
Hindi dapat kaliskisan ang isda kapag iniihaw kundi lagyan lang ito ng hiwa, asin at paminta. Mas mainam kung ibabalot ito sa dahon ng saging.
Mabilis naman daw maluto ang hita o "thigh part" ng manok kapag tatanggalan ito ng buto, na umaabot lamang sa loob ng lima hanggang 10 minuto.
Mas makabubuti rin kung iihawin ang gulay kaysa inilalaga, dahil napananatili ang kanilang "water soluble vitamins." — Jamil Santos/DVM, GMA News