Sa kabila ng kasabihan na ang mga Pilipino ang mga pinakamasayahin at matatag sa gitna ng mga pagsubok, higit sa 17 milyon o dalawa sa sampung Pinoy ang nakararanas ng major depressive disorder.
Anu-ano nga ba ang mga maling akala tungkol sa mental health?
Sa programang "Stand For Truth," binanggit na una na rito ang sinasabi ng ilan na "nag-iinarte lang" ang mga taong nakararanas ng mental health problem, at nagpapayo na "idaan na lang sa alak o tulog."
Ngunit lubha itong delikado para sa mga taong may mental health illness, lalo na ang mga may depresyon. Maaari kasing maapektuhan ng depresyon ang lahat ng aspeto ng isang tao, tulad ng kaniyang pag-iisip, pandama, at kung paano siya kumilos.
Dagdag pa rito, maraming dahilan na maaring mag-ambag sa pagkakaroon ng mental health problem ng isang tao tulad ng genes, brain chemistry, trauma at history ng pang-aabuso.
Pangalawang maling akala ang sinasabi ng mga tao na wala raw mental health problem noong unang panahon kundi inimbento lamang ito ng mga kabataan.
Ang totoo, meron nang depression dati pa ngunit ngayon na lang ito nabibigyan ng pansin at mas napag-uusapan online nang walang stigma. Naisabatas na rin ang Mental Health Act na naglalayong magbigay ng "accessible" at "affordable" na mental health services.
Pangatlong maling akala ang sinasabi ng ilan na "sakit lang daw ito ng mga mayayaman."
Pero maraming institusyon ang nag-aalok ng kanilang mga serbisyo nang libre, samantalang naniningil naman ang mga private doctors ng mula P1,500 hanggang P4,500 kada session.
Gayunman, marami pa rin sa mga mas mahihirap ang hindi nagagawang makapagpagamot dahil sa kakulangan ng pera. Bukod dito, sinabi rin ng isang mental health expert na isang psychiatrist lamang ang "available" para sa 200,000 na pasyente. —Jamil Santos/LBG, GMA News