Dahil sa kahalagan ng mga aklat na nagbibigay-kamalayan ng kasaysayan, nasa pangangalaga na ngayon ng isang curator ang ilan sa mga aklat ng tinaguriang "Prince of Philippine Printing" na si Tomas Pinpin.

Kasabay nito, may lumabas ding pag-aaral na naglilinaw na Pinoy na Pinoy si Pinpin at walang lahing Tsino.

Sa ulat ni JP Soriano sa "State of the Nation," sinabing sa Abucay, Bataan isinilang si Tomas Pinpin.

Kaakit-akit ang probinsiya ng Bataan sa mga turista dahil sa mga atraksiyon nito, lalong lalo na ang mga marka ng kasaysayan na nagsisilbing bakas ng kagitingan ng ating mga ninuno.

Sa Abucay din inilimbag ang mga naunang obra ni Pinpin, na mga kauna-unahan din sa kasaysayan ng Pilipinas.

Si Pinpin na raw ang kumikilala sa sarili niya bilang Tagalog, ayon sa isang pag-aaral.

"Nitong 2011, nagkaroon tayo ng bagong limbag na libro mula sa isang banyaga, si Dr. Damon Woods. Siya ang nagsabi, na 'Ayon sa aking pagsasaliksik, hindi yata dugong Tsino si Tomas Pinpin kasi mismong si Pinpin, siya mismo ina-identify niya ang sarili niya bilang Tagalog,'" sabi ni Meah Ang See, isang historian.

Naging mainit sa mata ng mga kolektor, maging sa mga dayuhan, ang mga likha ni Pinpin sa paglipas ng maraming taon.

Naging balakid naman ang pagkawala ng mga dokumento ni Pinpin sa Abucay sa edukasyon ng mga kabataan sa kasaysayan ng kanilang lugar.

"Gusto naming makita ng mga bata kung ano talaga ang nangyari noon, kung bakit naging napakalaking bahagi ng history ng buong bansa ang Abucay," ayon kay Carina Salvador, Tourism Officer sa Abucay.

Nasa pangangalaga na ni Robie Reyes, isang curator, ang ilan umano sa mga libro na nakabalik na sa pinagmulan nila.

"Hinanap ko iyong kauna-unahang libro ni Tomas Pinpin na inimprenta sa Abucay noong taong 1610... Sa labinlima na libro na inimprenta ni Tomas Pinpin, mayroon kaming limang libro na original book," saad ni Reyes.

Plano ngayong isama ni Reyes sa itatayo niyang limbagan ang mga aklat na kaniyang naipon.

"Makikita ng lahat ng tao na marami pa lang librong naimprenta sa Pilipinas noong taong 17th century hanggang 19th century," sabi pa ni Reyes.

Hindi lang mga librong gawa ni Pinpin ang nasa kaniyang koleksiyon, kundi pati ang ibang mahahalagang dokumento, tulad ng isang sinaunang mapa ng Pilipinas at ang tala ng buhay ni San Lorenzo Ruiz.

Nasa koleksiyon niya rin ang replika ng sinaunang printing press na handang ipagamit sa pagbubukas ng limbagan.

"'Yung mga bata at mga estudyante na gustong matuto sa pag-iimprenta ng mga makalumang panahon ay maaaring gamitin ito," ani Reyes.

Para kay Reyes, higit pa sa salapi ang halaga ng kaniyang mga koleksiyon lalo ang mga pinaniniwalaang libro ni Pinpin.

Ganoon na lamang ang tuwa ni Reyes nang ideklara bilang cultural treasure ng Abucay at ng probinsiya ng Bataan ang isa sa mga libro.

Bawat pahina ng libro, may katapusan, ngunit ang kamalayang ibinahagi sa atin nito, pang habang-buhay. — Jamil Santos/MDM, GMA News