Pinag-usapan sa larangan ng pulitika ang ginawang pagpapabagsak ni Vico Sotto sa political dynasty ng mga Eusebio sa Pasig matapos siyang manalong alkalde sa katatapos na halalan. Bagaman may iba pang Sotto na nakapuwesto rin ngayon, tiniyak ni Vico na wala siyang planong magtatag ng dynasty sa Pasig.
Sa programang "Investigative Documentaries," binalikan ang angkan ng mga Sotto na humawak ng posisyon sa pamahalaan. Kabilang dito ang kaniyang mga ninuno sa Cebu na sina Filemon at Vicente Sotto.
Ang kaniyang great grandfather na si Filemon ay nagsilbing konsehal at municipal vice president sa dating bayan pa lang noon na Cebu. Kinalaunan ay naging kongresista noong 1907 hanggang 1916, at naging senador noong 1916 hanggang 1922.
Ang kapatid ni Filemon na si Vicente, naging konsehal din ng Cebu noong 1902. Naging alkalde noong 1907, at naging kongresista rin.
Ang apo ni Vicente na si Vicente "Tito" Sotto III, kasalukuyang Senate President. Bago nito, naging vice mayor din siya ng Quezon City mula 1988 hanggang 1992.
Ang kapatid ni Sen. Tito na si Valmar "Val" Sotto, naging konsehal sa Parañaque mula 2004 hanggang 2013.
Pumalaot din sa pulitika ang mga pinsan ni Vico na sina Parañaque councilor Viktor Eriko "Wahoo" Sotto, Quezon City vice mayor-elect Gian Sotto, at Quezon City's 3rd District Councilor Diorella "Lala" Sotto.
Bagaman may mga kaanak na nasa pulitika, tiniyak ni Vico na hindi siya lilikha ng political dynasty sa Pasig.
"Ako lang naman ang Sotto sa Pasig... Definitely hangga't ako ang nakaupo dito sa Pasig wala akong ibang immediate family or malalapit na kamag-anak na tatakbo dito. Hindi ako papayag," sabi niya.
Panoorin ang buong panayam kay Vico sa video na ito ng "Investigative Documentaries."
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News