Isa ang adiksyon sa mga dahilan kung bakit nagkakawatak-watak ang mga pamilya at nasisira ang buhay ng isang tao, kaya mahalaga na maunawaan ang sanhi nito at paano ito maiiwasan.
Sa programang "Mars," nitong Lunes, ipinaliwanag ni Dr. Alejandro Diaz, isang neurologist, na ang "addiction" ay isang compulsion ng tao kung saan nakakakuha siya ng kasiyahan o "pleasure" sa simula, pero kapag nagtagal, hindi na niya mapigilan dahil "wired" o nagbago na ang kaniyang utak para sa bagay na iyon.
Paliwanag pa ni Dr. Diaz, "frustrated" at "depressed" daw ang pakiramdam ng isang taong may adiksyon kung wala sa kaniya ang bagay na kinahihiligan niya. Kaya para maging normal ulit, kailangan niyang kunin o gawin ang bagay na iyon, sa puntong maaari na siyang makagawa ng hindi tama.
Sinabing ang adiksyon ay hindi lang nakikita sa pang-aabuso ng mga substances tulad ng sigarilyo, marijuana, alcohol, shabu o cocaine, pero maging sa smart phones kaya pinapayuhan ang mga pamilya na bantayan ang mga bata pagdating sa paghawak ng mga ito.
"Kinakailangang i-address natin ito hindi lang from the neurological point of view, kasi ang addiction ay isang brain disease," paliwanag ni Dr. Diaz.
Ilan lamang sa mga lunas sa adiksyon ay transcranial magnetic stimulation at cognitive behavioral therapy, kung saan tinitignan kung may comorbidity ang pasiyente para ito'y magamot.
Ayon pa kay Dr. Diaz, mas "vulnerable" sa adiksyon ang henerasyon ngayon, lalo na ang mga millennials, dahil sa "instant gratification" kung saan lahat ng "reward" ay madali nang nakukuha. Binanggit niya ang social media na talaga namang nakakaaliw.
Ayon pa sa kaniya, ang dopamine raw ang "pleasure substance" sa utak ng mga tao. Lahat tayo'y may dopamine sa utak, at tumataas ito sa 150-200 na nibel tuwing kakain ng ice cream, cake o kape.
Ngunit umaabot daw sa 1,000 na nibel ang dopamine sa utak ng isang tao na gumagamit ng methamphetamine o cocaine, kaya hindi na niya makuha ang dati niyang "pleasure" o mahina na ang epekto ng mga mas nakababang "pleasures" tulad ng ice cream.
Bukod pa rito, tinatandaan daw ng dopamine ang trigger ng pasiyente. Binanggit ni Dr. Diaz na mayroon siyang mga pasiyenteng alcoholic noon "triggered" sa tuwing nakakakita ng bote.
Pinayuhan ni Dr. Diaz na humingi ng "professional help" ang isang taong may adiksyon. Maaari rin humingi ng tulong ang pasiyente sa isang grupo o asosasyon na tumutulong sa mga may adiksyon.
Sa tuwing kakain ang pamilya, pinayo ni Dr. Diaz na ibaba ang mga cellphones sa mesa para mabuo ang tunay na koneksyon sa bawat isa. — LA, GMA News