Ikinatuwa ng Philippine Drug Enforcement Agency ang pagbabalik ng Philippine National Police sa kampanya laban sa illegal drugs. Pero kung ang pinuno raw ng PDEA ang masusunod, hindi na niya ipagagamit sa mga operasyon ang katagang "Oplan Tokhang at "Double Barrel."
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing aminado ang PDEA na hirap sila sa pag-target sa mga street pusher at users kaya ikinatuwa nila ang pagbabalik ng PNP sa kampanya laban sa iligal na droga.
"Because again the PNP is embedded in barangay kasi nandoon sila sa municipal police station and they can operate very effectively kapag nandoon sila sa municipal police station," paliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino.
Pero kung siya daw ang masusunod, hindi na niya ipagagamit sa kampanya ang mga katagang "Oplan Tokhang at "Double Barrel" sa mga operasyon dahil hindi umano maganda ang tingin dito ng karamihan ng masa.
"Ang connotation ng 'tokhang' sa karamihan ng masa is killing, 'Gusto mong matokhang ka?' Ano bang ibig sabihin no'n, 'Gusto mong mamatay ka?' Yung ang nagiging connotation eh. Kaya dapat itigil na yung tokhang na word," sabi ni Aquino.
Pero sa panayam ng mga mamahayag kay PNP chief Director General Ronald Dela Rosa sa Camp Crame nitong Martes, sinabi ng opisyal na wala siyang nakikitang masama sa salitang "Tokhang" kaya patuloy umano nilang gagamitin ito sa mga operasyon kontra sa iligal na droga.
Giit pa niya, ang mahalaga umano ay ang resulta ng operasyon at hindi ang pangalan na gamit dito. -- FRJ, GMA News