Laman ng mga balita ang Ozamiz City dahil sa pagkamatay ng alkalde ng lungsod sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad nitong Linggo ng madaling araw. Pero alam ba ninyo na ang Ozamiz City ay ipinangalan sa isang politikong nagmula sa Misamis Occidental na itinuturing na ngayon na "limot" na bayani?

Nasawi sa operasyon ng mga pulis na maghahain ng search warrant sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at 14 na iba pa, kabilang ang asawa niyang si Susan, at ang kapatid niya na si Provincial Board Member Octavio Parojinog.

BASAHIN: Ozamiz mayor, 14 others killed in predawn police raid

June 1948 nang isabatas ang Republic Act No. 321 upang ideklarang isang ganap na lungsod ang Misamis, na kilala nga ngayon bilang Ozamiz, na kung minsan ay isinusulat na Ozamis.

Sinasabing ginawang Ozamiz City ang pangalan ng lungsod bilang pagkilala sa kabayanihan ng namayapang senador na si Jose Ozamis, NA isinilang sa Aloran, Misamis Occidental noong May 5, 1898.

Nagtapos ng abogasya si Ozamis sa University of the Philippines at nakapasa sa bar exam noong 1921. Nakuha niya ang Master of Laws degree sa New York noong 1929.

Bukod sa pagiging senador, nagsilbi rin si Ozamis bilang gobernador ng Misamis Occidental (1929 to 1931), kinatawan sa lehislatura (1931 to 1934 at 1934 to 1935), delagado sa Constitutional Convention (1934 to 1935), at assemblyman (1935 to 1938 at 1938 to 1941).

Bagaman nahalal na senador noong 1941 elections, hindi nagampanan ni Ozamis ang kanyang posisyon dahil sa pagsakop ng mga Hapon sa Pilipinas. Sa halip, tinanggap niya ang alok ng mga Hapon na humawak ng posisyon sa gobyerno.

Lingid sa kaalaman ng mga Hapon, may sekretong ugnayan si Ozamis sa mga girilya at mayroon basbas ng kilusan ang pagtanggap niya ng puwesto upang hindi siya paghinalaan ng mga mananakop.

Pebrero 1944 nang hulihin ng mga Hapon si Ozamis sa kanilang bahay sa Maynila matapos ituro ng “makapili" na nakikipagtulungan siya sa mga girilya. Nataon ang araw ng kanyang pagdakip sa kaarawan ng kanya kabiyak.

Ipiniit si Ozamis sa Intramuros at sa sumunod na buwan ay nagulat na lamang ang kanyang pamilya nang mabalitaan na pinugutan na ito ng ulo sa Manila North Cemetery.

Inabot pa ng dalawang taon bago natagpuan ng kanyang pamilya ang mga labi ni Ozamis kasama ng iba pang Filipino na pinugutan ng ulo. Tanging bungo na lamang ni Ozamis ang nakuha ng pamilya na nakilala sa pamamagitan ng kanyang dental record.

Ang ibang bahagi ng kanyang katawan o buto ay nakahalo sa iba pang mga labi ng mga Filipinong pinaslang.

Samantala, dahil nagkakaroon ng kaibahan ang baybay sa huling letra ng pangalan ng lungsod (Ozamiz at Ozamis), isang resolusyon (City Resolution 251-05) ang inaprubahan ng City Council upang opisyal na gamitin ang Ozamiz. -- FRJ/KVD, GMA News