Sa isang pagtitipon na inorganisa ng Komisyon sa Wikang Filipino, binigyan-diin ni GMA News anchor Howie Severino ang kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino ng mga mamamahayag sa kanilang pagbabalita.
Sa kaniyang talumpati sa dinaluhang programa, sinabi ni Severino na dapat gamitin ng mga mamamahayag ang ating sariling wika para tularan ng publiko.
Ibinahagi rin niya ang iba't ibang hamon na kinakaharap ng media ngayon, tulad ng paglaban sa fake news, at ang karahasan.
Kamakailan lang, lumabas ang isang pekeng news website na nagkunwaring GMA News Online at ginamit pa ang logo ng Kapuso online news.
PAALALA: Pekeng website, ginagaya ang GMA News Online
"Pati ang URL nito ay mukhang lehitimo, pero ginagamit lang ang pangalan namin. Sa ngayon, wala kaming magawa kundi maglabas ng mga panawagan na huwag paniwalaan. Ito na po ang ating panahon at ng kalagayan ngayon ng media," paliwanag niya sa mga dumalo sa pagtitipon nang ipakita niya ang pekeng website.
Kasabay ng paghikayat sa mga mamamahayag na gamitin ang wikang Filipino, hinimok din niya ang mga kasama sa larangan na gamitin ang angkop at tamang salita sa pag-uulat.
"Kahit pa gumagamit ng sariling wika, nakakalusot ang mga imbentong salita dahil madalas mas nag-iisip tayo sa Ingles. Nitong nakaraan lamang, may isang reporter sa telebisyon ang gumamit ng pariralang 'presensya ng militar. Dahil ang nasa isip niya ay 'military presence,'” kuwento ni Serverino.
"Nagiging karaniwan na ba ang isinaPilipinong Ingles at hindi na tayo magpipilit hagilapin ang mas angkop na salita na matagal na naman tayong mayroon at madaling maintindihan?," tanong niya.
"Gaya ng 'lebel' [na level] kung maaring sabihing antas, [ang] rebyuhin sa halip na suriin, [ang] kwestyunin sa halip na mas simpleng tanungin. At lalo na ang nakakadiring 'mag-join' sa halip na sumali," patuloy niya.
Sa kabila nito, sinabi ng beteranong mamamahayag na nananatiling tapat ang media sa tungkulin nito na maghatid nang makabuluhang balita sa mga mamamayam.
"Bilang mamamahayag, hindi lamang ako nangungusap. Nagtatakda rin ako ng paraan upang marinig ang iba’t ibang tinig sa lipunan, lalo na sa mga walang kumakatawan, na walang ibang paraan kundi media upang makita sila bilang kapantay na bahagi ng lipunan," saad niya.-- FRJ, GMA News