Patay ang isang 49-anyos na lalaki matapos manlaban ang lalaking hinampas niya ng kahoy, at siya naman ang hinampas nito ng helmet sa ulo sa Barangay Bulua, Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing inilahad ng mga awtoridad na dalawang lalaki ang nagtungo sa police station upang isumbong ang ginawang pananakit sa kanila ng nasawing lalaki.
Isa sa mga lalaking nagsumbong ang siyang nanghampas ng helmet sa ulo ng biktima.
Ayon sa kaniya, nasa lugar sila upang maligo sana sa dagat, ngunit bigla na lamang silang nilapitan ng biktima at hinampas sila ng kahoy.
Dahil dito, nanlaban siya at hinampas niya naman sa ulo ang lalaki.
Ayon pa sa kanila, hindi nila kilala ang lalaki.
Narekober sa crime scene ang isang kahoy na posibleng tinutukoy ng dalawang lalaki na ipinanghampas sa kanila ng biktima.
Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang lalaking nanghampas ng helmet, na mahaharap sa reklamong homicide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News