Nasagip ang isang walong taong gulang na batang lalaki matapos siyang solong maligo sa dagat ngunit nahirapang umahon sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng isang netizen kung saan nagtulong-tulong ang dalawang lalaki na maiahon sa dagat ang bata.

Gumamit ng lubid ang mga sumasagip, ngunit naging hamon ito dahil sa mga malalaking alon at madulas na parte ng Rizal Boulevard.

Lumabas sa imbestigasyon na nahirapang umahon ang bata, na walang kasama nang maligo.

Ligtas ang bata at nagpapagaling sa ospital. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News