Timbog ang dalawang menor de edad matapos gahasain umano ang kainuman nilang 17-anyos na babae sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, inilahad ng isang opisyal ng barangay na sa halip na pumasok sa paaralan, nag-inuman ang mga suspek at biktima kasama ang isa pang 21-anyos na lalaki sa Barangay Bolong Este.
Naganap ang panghahalay umano sa biktima malapit sa ilog.
Lumabas sa imbestigasyon ng kapulisan na maaaring may inilagay ang mga suspek sa inumin ng biktima kaya siya nanghina, bago nila isinagawa ang krimen.
Nadakip ang dalawang menor de edad at nasa kustodiya na ng municipal social welfare and development office, samantalang sumuko naman ang 21-anyos na suspek.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News