Nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo matapos malunod sa isang creek sa Baguio City. Bago ang insidente, tinangka umano ng biktima na magnakaw ng bisikleta pero hindi natuloy dahil may nakakita.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may kasama umano ang biktima na isa pang lalaki na 10-taong-gulang sa tangkang pagnanakaw ng bisikleta sa Barangay Imelda.

Pero isang construction worker ang nakakita sa kanila kaya sila sinita. Tumakas ang dalawa at tumalon sa kalapit na creek.

Nakaligtas ang 10-anyos na bata pero nasawi ang binatilyo na hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng binatilyo, ayon sa ulat.--FRJ, GM Integrated News